370 total views
Hinimok ng Diyosesis ng Cubao ang mananampalataya lalo na ang mga botante sa nalalapit na 2022 National and Local Elections na aktibong makilahok sa isasagawang ‘discernment’.
Ayon kay Bishop Honesto Ongtioco mahalaga ang gampanin ng mga layko sa paghalal ng mga karapat-dapat na pinuno ng bayan na magsusulong sa kabutihan ng mamamayan at pag-unlad ng bayan.
“I, your Bishop, together with your pastors, encourage all the lay faithful to fully engage in the critical task of discernment to prepare for the May elections,” bahagi ng liham pastoral ni Bishop Ongtioco.
Matatandaang sa pastoral letter ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines noong January 28, 2019 na “Seek the Common Good” hinimok nito ang botante na pagnilayang mabuti ang mga taong ihahalal at tulungan ang kapwa botante na kilalanin ang mga kandidatong may tunay na hangaring maglingkod sa bayan.
Kasabay nito hinikayat ni Bishop Ongtioco ang mga parokya na magsagawa ng ‘discernment process’ lalo’t nalalapit na ang halalan sa Mayo 9, 2022.
“I, together with your pastors, are calling for a discernment process to be carried out in all parishes of the Diocese of Cubao. We, as your pastors, will recommend a framework for discernment as well as steps that the lay leaders of every parish can take to implement this discernment process,” ani Bishop Ongtioco.
Batid ng obispo ang kasalukuyang synodal journey na tinatahak ng simbahan kung saan binigyang pagkakataon ang pakikinig sa lahat ng sektor ng lipunan upang malaman ang mga nararapat na hakbang na mapabuti ang paglilingkod sa mananampalataya bilang iisang simbahang naglalakbay.
Umaasa ang obispo na sa pamamagitan nito ay mas lumawak ang pakikipagtalakayan sa mahigit 60-milyong botante at matulungang kilalanin ang karakter at buong pagkatao ng mga indibidwal na nais mamahala sa bansa.
“As your pastors, it is our duty to provide guidance to all of our lay faithful. It is our duty to urge the lay faithful to participate in this electoral process with mind, heart and soul open to the promptings of the Holy Spirit–and if the Spirit so moves you, to be partisan: to actively support and promote the candidates whom you have prayerfully discerned as best able to bring Gospel values to government,” saad ng obispo.
Kaugnay nito puspusan din ang paghahanda ng simbahan sa inisyatibo ng One Godly Vote campaign ng media arm ng Archdiocese of Manila kasama ang CBCP at iba pang church institutions sa isasagawang Catholic E-Forum sa mga kandidato sa pagkapangulo, ikalawang pangulo at mga senador bilang paraan na mas kilalanin at kilatisin ang tunay na hangarin.
Pinaiigting din ng CBCP ang Halalang Marangal 2022 na layong magbigay ng voter’s education sa buong bansa at kilusang magbabantay para mapanatili ang wasto at tapat na paglilingkod ng mga opisyal ng pamahalaan.