404 total views
Hinamon ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang mamamayan na huwag makuntento sa mabagal na paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Bro. Jun Cruz – Pangulo ng grupo, pawang mga may kakayahan lamang ang nakikinabang sa pag-unlad ng ekonomiya subalit nanatiling naghihirap ang karamihan sa mga Pilipino.
“Ang hamon sa ating lahat ay huwag sana tayong maging masaya sa patak-patak na pag-usad ng ekonomiya na ang nakikinabang din lang ay ang ilang malalaking tao,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Cruz sa Radio Veritas.
Ang pahayag ni Cruz ay kasunod ng pagtatala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng bahagyang mabagal na 3% inflation rate noong Enero 2022.
Hinimok ng opisyal ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang pamahalaan na tulungan ang mamamayang hirap sa buhay higit na yaong nawalan ng trabaho at kumukuha ng makakain sa mga basurahan.
“Pagtuunan ng pansin, tulungan natin yung maliliit, yung mga napipililtang mangi-nain sa basura.Yung libo-libong nawalan ng hanap-buhay. Yung milyon-milyong kunware, ayon sa datos, ay hindi mahirap,” ayon pa kay Cruz.
Magugunitang noong Disyembre 2021 ay naitala ng PSA ang 23.7% Poverty Incidence na ngangahulugang 3.9-Milyong Pilipino ang nakaranas ng kahirapan sa unang apat na buwan ng 2021.
Habang ayon naman sa pag-uulat ng Social Weathers Stations noon ding Disyembre 2021 ay mayroong mahigit 2.5-Milyong mamamayan ang nakaranas ng kagutumunan sa 3rd quarter naman ng 2021.
Paalala ni Cruz, gamiting pagkakataon ang nalalapit na halalan sa Mayo upang matulungang makaahon at maiangat ang sistema ng pamumuhay ng bawat isa.
“Sa Mayo 2022, may nag-iisang pag-asa pa para tayo maka-ahon, may nag-iisa na lang na pagkakataon upang tunay nating mai-angat ang buhay,” ani Cruz.