809 total views
Huwag isantabi ang paniniwala sa Diyos upang maibsan ang paghihirap ng may mga karamdaman.
Ito ang pagbabahagi ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary Father Jerome Secillano sa paggunita ng World Day of the Sick.
Ayon sa Pari, bagamat mahalaga ang Agham at Medisina upang matulungan ang mamamayang mayroong karamdam ay nananatiling mahalaga ang pananalig sa Diyos.
“Mahalaga ang medisina at siyensiya sa pagsugpo sa mga sakit na lumalaganap at nagpapahirap sa tao. Ngunit di natin puwedeng isantabi ang magagawa ng Diyos para pagalingin ang mga may karamdaman lalo nating kailangan ang tulong ng Diyos ngayong panahon ng pandemya,” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Father Secillano.
Kasabay naman ng naging paggunita sa kapistahan ng Our Lady of Lourdes, ay naging kahilingan ng Pari sa Mahal na Birheng Maria ang patuloy na paglalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng mga panalangin.
Ito ay upang maibsan ang nararadamang sakit ng bawat mamamayan at magkaroon rin ng kapanatagan ng loob.
“Sa kapistahan ng Birhen ng Lourdes, nawa’y ilapit at ipanalangin tayo ng mahal na ina para sa ikapapanatag at ikagagaling ng lahat ng may karamdaman,” ayon pa kay Father Secillano.
Ngayong taon ay naging tema naman ng paggunita ang “Be Merciful Even As Your Father Is Merciful” na hinango mula sa Ebanghelyo ni San Lukas.
Taong 1992 ng pinasimulan ni Saint John Paul II ang World Day of the Sick na hinihimok ang bawat mamamayan, Catholic health institutions at lipunan na kalingain ang may mga karamdaman.