883 total views
Homiliya para sa Biyernes ng ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon, Paggunita sa Birhen ng Lourdes, 11 Pebrero 2022, Mk 7:31-37
Madalas malimutan ng marami na sa bayan ng Lourdes sa France, hindi naman nagpakita si Mama Mary kay Bernadette para tumawag pansin sa sarili niya. Ang itinatawag niya ng pansin ay ang bukal. Ginabayan niya ang dalaga upang dalhin ito sa sibol, na walang iba kundi ang anak niya, ang Anak ng Diyos, ang tunay na sibol ng buhay.
Di ba nasabi ni Hesus ito sa babaeng Samaritana ayon sa kuwento ni San Juan? “Ang iinom ng tubig na ito ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging bukal sa loob niya, babalong at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”
Naging isang palaisipan ito para sa Samaritana. Itong taong lumapit sa kanya na nauuhaw at nakikiinom ng tubig, at ni walang pansalok na timba sa balon, siya pa ngayon ang biglang nag-aalok sa kanya ng kakaibang tubig na hindi na kailangang salukin kundi kusa daw na dumadaloy.
Ang akala siguro ng babae kinukutya siya ni Hesus dahil ayaw niyang ipahiram ang kanyang timba upang painumin siya. Kasi magkaiba sila ng relihiyon at paniniwala. Ganyan talaga ang idinudulot ng mga hidwaan. Nawawalan na tayo ng malasakit sa isa’t isa dahil sa mga pagkakaiba natin ng pananaw.
Pero ang punto ng Panginoon ay, ang tao parang timba rin. Pilit na sumasalok ng biyaya pero lagi namang nauubusan. Nauuhaw at bumabalik-balik para sumalok na muli. Hindi niya alam ang madalas niyang nasusumpungan na mga balon at pinag-iigiban ay may tubig na nakalalason at lalo pang nakakauhaw.
Kaya nasabi niya, “Ang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. It’y magiging bukal sa loob niya, babalong at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” Hindi ba tayo interesado sa ganoong klase ng tubig?
Doon sa simbahan ng Dauis sa Bohol, sa paanan mismo ng santuario ay may balon at sariwang tubig, kahit nakapalibot sila ng dagat at tubig na maalat. Parang magandang talinghaga na ang pagpasok sa simbahan, ang paglapit sa Panginoon ay walang ipinagkaiba sa pag-iigib ng pamatid sa ating espiritwal na pagkauhaw. Ngayon mismo ginagawa ninyo ito. Parang balon din ang santuaryong ito—mula dito’y bumubukal ang Salita ng Diyos na siyang tanging makapapawi sa ating pagkauhaw.
Pero ang susing salita sa araw na ito na tinatawag nating “World Day of Prayer for the Healing of the Sick” ay EPHPHATA. Ito ang binigkas na salita ni Hesus sa taong bingi at pipi upang pagalingin siya. Ang ibig sabihin ng EPHPHATA ay, MABUKSAN KA!
Ang tunay na problema kasi natin ay hindi naman ang kawalan o kakulangan ng biyaya. Ang kagandahang loob ng Diyos ay umaagos naman daw na parang bukal, bumabalong ang tubig, ang biyaya niya ay hindi maampat. Kaya nga di ba nasabi pa ng anghel kay Maria, “Napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.”
Paano ka bang hindi mapupuno ng grasya kung ang Diyos na bukal ng buhay ay sumasaiyo? Pero iyon na nga ang problema. Madalas, kahit ang Diyos ay sumasaatin, tayo naman ay hindi sumasakanya. Para tayong umiigib sa poso pero ang timba ay nakalihis o malayo sa daloy ng tubig.
Minsan kahit pa tayo nagsisimba o nagdarasal, hindi natin alam na nalalayo na ang loob natin sa kanya. At sa hindi natin namamalayan, natutuyuan na tayo, namamatay na sa pagkauhaw ang ating mga kaluluwa.
Talagang hindi tayo maaaring mapunuan ng grasya kung hindi muna mabuksan ang ating mga puso at diwa. Narinig ninyo ang sabi ng ating Salmong tugunan: “Ang bayan ko’y nagsara ng kalooban, kaya hindi nila naririnig ang aking tinig. Hinayaan ko sila sa katigasan ng kanilang mga puso. Hindi ang kalooban ko kundi sarili nilang kalooban ang gusto nilang sundin.”
Maraming beses ko nang nasabi sa inyo na ang tunay nating kalaban dito sa mundo ay si Satanas. Siya ang nagliligaw sa atin. Pilit niya tayong inilalayo sa bukal ng buhay at nililinlang upang sumalok sa maling balon, hindi ng tubig ng buhay kundi ng tubig na nakalalason. Nililito niya tayo.
Parang pinaglalaro niya tayo ng HAMPAS PALAYOK. Siyempre pag pinaikot ikot ka at hilong hilo ka na, at sinisigawan ka pa ng maraming tinig at pilit nililigaw, hindi mo talaga mahahampas ang palayok para maiuwi ang biyaya. Ganyan na ngayon sa social media—nabibingi tayo sa maraming boses, nililigaw tayo, hanggang hindi na natin ma-distinguish ang tama sa mali, ang totoo sa hindi totoo.
May sikretong itinuro sa akin ang tatay ko noong bata pa ako, para manalo sa HAMPAS PALAYOK. Ang sikreto ay buksan ko daw mabuti ang tainga ko at kilalanin muna ang boses niya sa gitna ng maraming tinig. Sa kanya lang daw ako kukuha ang instruction—diretso, kanan, kaliwa, hampas, swak. Panalo.
Mga kapatid, kaya tayo dapat matutong manalangin. Alam kong pag nagdarasal tayo, nagsasalita tayo sa isip natin. Sinasabi natin sa Diyos ang hiling natin. Pero alam ninyo, ang mas mahalaga sa pananalangin ay hindi naman ang sasabihin natin sa Diyos kundi ang sasabihin niya sa atin. Kaya ang pananalangin ay nagsisimula sa pagbubukas ng puso upang makinig nang masusi sa kalooban ng Diyos, upang sumunod sa kanya, dahil hindi niya tayo ililigaw.
Ang panalangin ginagawang matalas ang kalooban natin sa pangingilatis upang hindi tayo mailigaw ng mga tinig ng kasinungalingan.
Si Jose Rizal na ating bayani isinulat niya ang kanyang nobelang NOLI ME TANGERE, isang palaisipan. Ibig sabihin, HUWAG MO AKONG SAILINGIN. Huwag mo akong hawakan, haplusin, o hipuin dahil may karamdaman ako. Ayaw kong masaktan dahil may sugat ako na nagnanaknak, punong puno ng nana sa loob. Ang bayan pala ang tinutukoy niya!
Pero ang punto niya, kung ibig natin gumaling o maghilom ang sugat ng bayan, kailangan talagang ipagalaw sa kamay ng duktor ang sugat at paoperahan ito. Kailangang mabuksan niya ang sugat upang umagos ang nanâ. Talaga namang kailangan munang masaktan kung minsan kung ibig nating gumaling. Kung kailan tayo takot masaktan, mas lalong lumalalâ ang ating sakit.
Bilang pangwakas, halawin natin ang inspirasyon natin sa salita ng Panginoon sa ikalawang aklat ng Cronica 7:14, “…kung ang bayan ko na aking tinawag ay matuto lamang na magpakumbaba, manalangin, dumulog sa akin, at tumalikod sa ginagawa nilang kasamaan, diringgin ko sila mula sa langit at patatawarin ko ang kanilang mga kasalanan, at pagpapalain ko silang muli. Padadaluyin ko ang biyaya sa kanilang lupain.”