163 total views
Nagpa – abot ng pagbati ang CBCP – Episcopal Commission on Youth sa lahat ng mga guro ngayong ipinagdiriwang ang World Teachers’ Day.
Ayon kay Diocese of Bangued, Abra Bishop Leopoldo Jaucian, chairman ng komisyon, na isang huwaran ang dedikasyon ng mga guro sa kanilang mga estudyante na nagiging inspirasyon sa mga kabataan na magsumikap sa kanilang pag – aaral.
Nag – alay rin ng panalangin si Bishop Jaucian sa lahat ng mga guro sa buong mundo na bigyan pa sila ng kalakasan ng pangangatawan ng Panginoon upang maipagpatuloy pa nila ang kanilang bokasyon sa paglilinang ng edukasyon sa mga kabataan.
“Una sa lahat nagpapasalamat tayo sa Diyos sa araw ng mga guro lalong – lalo na sa kanilang misyon sa edukasyon. Sana lahat ay i – guide sila ng Panginoon sa kanilang mga serbisyo lalo na sa mga kabataan para sa kanilang bayan. Sila ay mga pangalawang magulang ng inyong mga anak. Sana po maging huwaran sa pamamagitan ng salita at gawa to all the students,” bahagi ng pahayag ni Bishop Jaucian sa panayam ng Veritas Patrol.
Magugunita opisyal na inilunsad ng UNESCO ang pagdiriwang ng World Teachers’ Day noong ika – 5 ng Oktubre taong 1994 kung kinilala ang mahalagang gampanin ng mga guro noong October 5, 1966 sa isang “special intergovernmental conference” na pinangunahan ng UNESCO at International Labor Organization sa Paris.
Lumalabas naman sa tala ng Philippines’ National Statistics Coordination Board na noong School Year 2010 hanggang 2011 nasa mahigit kalahating milyon ang mga guro sa bansa na nagtuturo sa mahigit 19 na na milyong estudyante.
Nauna na ring kinilala ng kanyang Kabanalan Francisco ang kahalagahan ng mga guro sa lipunan lalo’t sila ang nagbibigay ng kaalaman sa kinabukasan ng isang bansa.