644 total views
Inihayag ni Presidential aspirant Dr. Jose Montemayor, Jr na bubuwagin nito ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kapag nanalo bilang pangulo ng bansa.
Ayon kay Montemayor, hindi ginagampanan nang maayos ng mga kasalukuyang opisyal ng I-A-T-F ang kinakailangang pagtugon sa suliraning kinakaharap ng lipunan bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sinabi nitong hindi mga militar ang naaangkop na ilagay sa posisyon ng paglutas sa pandemya, kundi mga ‘medical practitioners’ na mayroong higit na kaalaman hinggil sa usaping pangkalusugan.
“Tatanggalin ko ang IATF kasi ang mga namumuno dito hindi naman mga doktor… Tapos ang nag-iimplement mga militar. Mali po ‘yan. This is a medical emergency. Dapat mga doktor at nurses, dapat sila ang mag-guide sa approach natin dito,” pahayag ni Montemayor sa Catholic E-Forum ng Radio Veritas.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi kinakailangang maging isang medical professional tulad ng mga ‘public health experts’ at ‘epidemiologist’ upang pamunuan ang IATF.
Kasalukuyang mga opisyal ng IATF ang mga dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sina National Task Force (NTF) Against Covid-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez; NTF Chairperson Defense Secretary Delfin Lorenzana; NTF Vice chairperson Interior Secretary Eduardo Año; at Cebu City Covid-19 Response Overseer Environment Secretary Roy Cimatu.
Samantala, patuloy namang inaanyayahan ng Radio Veritas ang publiko lalo na ang mga botante na makibahagi sa Catholic E-Forum ng himpilan na bahagi ng voters education campaign na One Godly Vote bilang paghahanda sa 2022 National at Local Elections.