678 total views
Isasagawa ng mga pari ng Archdiocese of Manila ang “Clergy Penitential Walk” bilang paggunita sa ika-150 anibersaryo ng tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos, at Padre Jacinto Zamora o mas kilala bilang GOMBURZA.
Tema ng penitential walk ang ‘Maka-Diyos kaya Makabayan’ na gaganapin bukas, February 17 mula alas-nuebe ng umaga sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral, GOMBURZA Monument sa Luneta, at Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora de Guia sa Ermita.
Ayon kay Manila Archdiocesan Spokesperson Father Reginald Malicdem, pinag-aralang mabuti ang tema para sa penitential walk upang ipabatid sa mga mananampalataya na ang pagiging makabayan ay may kaugnayan at nagmumula sa pagiging maka-Diyos na siyang inihalimbawa ng GOMBURZA noong panahon ng Kastila.
Taong 1872 nang paratangan ng kasinungalingan ng gobyerno-kolonyal ng Espanya ang tatlong paring martir na humantong sa pagbitay sa pamamagitan ng ‘garrote’.
“Sila’y mga martir. Karaniwan sa atin sa Simbahan ‘pag sinabi nating martir, sila’y namatay para sa pagtatanggol sa pananampalataya. Pero ‘yung GOMBURZA, namatay sila para sa bayan. Syempre, kasama dun ‘yung kanilang pagiging maka-Diyos kaya nga sila’y nakapag-alay ng kanilang buhay para sa bayan,” paliwanag ni Fr. Malicdem sa panayam sa Veritas Pilipinas.
Magsisimula ang programa sa Manila Cathedral sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga kampana at susundan ng Banal na Misa na pangungunahan ng Kanyang Kabunyian, Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Pagkatapos ng banal na pagdiriwang ay sisimulan na ang penitential walk mula Manila Cathedral patungo sa GOMBURZA Monument sa Luneta na lugar kung saan isinagawa ang paggarote sa tatlong paring martir at doo’y isasagawa ang pag-aalay ng panalangin.
Mula naman sa GOMBURZA Monument ay magtutungo sa Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora de Guia sa Ermita at sa pamamagitan din ng panalangin ay wawakasan ang penitential walk.
Nilinaw ni Fr. Malicdem na bagamat ang titulo ay ‘Clergy Penitential Walk”, bukas din ang programa para sa mga mananampalatayang nais na makibahagi.
Matutunghayan naman ang Banal na Misa at Penitential Walk sa Facebook page ng The Manila Cathedral, Archdiocese of Manila – Office of Communications, at DZRV 846.