861 total views
Ang bawat botante ay may karapatang pumili ng ihahalal na kandidato.
Ito ang nilinaw ni Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Phillipines Permanent Committee on Public Affairs sa pag-endorso ng mga malalaking personalidad, institusyon ng Simbahan at samahan sa mga kandidato ngayong kampanya.
Sinabi ng Pari na hindi rin maituturing na “block voting” ng mga Katoliko ang ginawang endorsement ng Council of the Laity kay Vice President Leni Robredo na tumatakbo sa pagka-pangulo ng bansa.
Tiniyak din ng Pari na ang paninindigan ng Simbahan ay laging panig sa kabutihan at katotohanan.
Inihayag ni Father Secillano na bilang botante ay batid niya na hindi dapat diktahan ang desisyon kung sino ang iboboto ng mamamayan at lingkod ng Simbahan.
“Dahil botante rin ang mga madre, pari at obispo, hindi natin puwedeng diktahan kung sino ang dapat nilang iboto,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Pari sa Radio Veritas.
Ipinaalala nito sa kapwa pari, mga madre, at obispo na alam ng mga ito na hindi naayon ang pag-eendorso ng mga kandidatong hindi kaisa sa mga isinusulong na katuruan ng Simbahan.
“Kapag ito ay kanila ng ginawa, maaaring makumpromiso kalaunan ang Simbahan dahil may mga paninindigan ang mga kandidato na taliwas sa turo at ‘advocacy’ ng Simbahan. Lalabas na ang kandidatong inendorso nila sa taumbayan ang siya pang sumasalungat sa katuruan ng Simbahan,” ayon kay Father Secillano.
Ayon pa sa Pari, dapat ding hayaan na lamang ang pag-endorso ng mga pulitiko sa mga layko ng Pilipinas at hindi na pagsasapubliko ng mga lider ng Simbahan sa kanilang mga tinatangkilik na kandidato.
“Hayaan na lang sana na ang mga layko ang mag-endorso ng kanilang kandidato at gawing pribado na lang ang mga napupusuan ng mga pari at obispo,” pagbabahagi ni Father Secillano.
Ito rin ay upang masunod ang adbokasiyang “circles of discernment” kung saan ang tungkulin ng Simbahan ay maging gabay lamang sa pagpili ng mga kandidatong naayon at isinasasabuhay ang mga katuruan ng Simbahang Katolika.
“Ito ang pinag-uusapan sa ‘circles of discernment’ kasama ng pag-a-advocate sa ‘makatao, makabuluhan at responsableng pamamalakad sa pamahalaan’,” ayon pa kay Father Secillano.