394 total views
Mga Kapanalig, nagsimula na noong isang linggo ang pagbabakuna sa mga batang edad 5 hanggang 11. Dapat sana ay nagsimula ito noong ika-4 pa ng Pebrero ngunit kailangang ipagpaliban dahil hindi agad dumating sa bansa ang mga bakunang maaaring gamitin sa mga bata. Ang pagbabakuna sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang ay sinimulan sa anim na lugar sa Metro Manila at ilang lugar sa Central Luzon at Southern Luzon; nauna nang binakunahan ang mga batang edad 12 hanggang 17 taong gulang noong Oktubre ng nakaraang taon. Inuna ang mga batang may comorbidities o mga may medikal na kondisyong maaaring gawing mas lantad sila sa virus.
Ayon sa Department of Health (o DOH), na noon ay sinabing nakabatay ang kanilang plano sa pagbabakuna sa mga bata sa dami ng bakunang darating sa ating bansa, tinatayang babakunahan ang higit 15 milyong mga batang edad 5 hanggang 11. Dagdag pa ni vaccine czar Carlito Galvez, tinitiyak ng pamahalaan sa mga magulang na ligtas at pinag-aralang mabuti ang pagbabakuna sa mga bata. Matatandaang may pagdududa ang mga magulang kung epektibo at ligtas nga ba ang bakuna dahil sa kontrobersyang bumalot sa bakuna kontra dengue na Dengvaxia.
Mahalagang hakbang ang pagbabakuna sa mga bata para sa tuluyang pagpapalawig ng pagbabakuna laban Covid-19 sa ating bansa at sa pagbibigay-proteksyon sa kanila lalo na ngayong plano nang buksan muli ang mga eskuwelahan. Mahalaga rin ito dahil ayon sa DOH, mahigit kalahati ng mga kaso ng mga batang tinamaan ng Covid-19 noong Setyembre 2021 ay 11 taong gulang pababa. Lalo pa itong umakyat sa halos 70% nitong Enero noong kasagsagan ng pag-akyat ng mga kaso ng mga nagpopositibo sa Omicron variant.
Kaakibat ng pagbabakuna sa mga bata ang pagbibigay ng sapat at tamang impormasyon sa mga magulang. Halimbawa, ang dosage at concentration ng bakuna ay mas mababa para sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang kumpara sa mga mas matatandang bata. Maaaring makampante ang mga magulang kung malalaman nila ito. Dapat ding maipaliwanag sa kanila ang halaga ng mga bakuna at ang mga maaaring asahang side effects nito sa mga bata upang makapagbigay sila ng tinatawag na informed consent. Hindi dapat alisan ng karapatan ang mga magulang na bigyang-proteksyon ang kanilang mga anak, kabilang ang pagbibigay ng kanilang pahintulot para sa isang bagay na buhay at kalusugan ng kanilang mga anak ang nakataya. Bago kasi magsimula ang pagbabakuna sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang, naging usapin ang isyu ng consent o pagbibigay-pahintulot ng mga magulang. Isang petisyon ang inihain ng ilang magulang sa Quezon City Regional Trial Court upang pahintuin ang pagbabakuna sa mga bata dahil sa kanilang āright to consentā¦ in behalf of their children.ā Mariin nilang tinututulan ang naunang memorandum ng DOH na nagssabing sakaling tumanggi ang mga magulang na ibigay ang kanilang pahintulot na bakunahan ang kanilang anak, maaaring magbigay ng consent ang gobyerno bilang panghalili rito. Binago ng DOH ang patakarang ito at nilinaw din ng pamahalaan na āabsolute requirementā ang consent mula sa mga magulang upang mabakunahan ang kanilang mga anak.
Mga Kapanalig, sabi nga ni Pope Francis, mayroon tayong kasaysayan ng magandang karanasan sa mga bakuna, kayaāt ituring nating kakampi ang mga ito. Ngunit dapat ding mapanatag ang mga magulang. Sabi nga sa 3 Juan 1:4, āWalang higit na makakapagpaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak.ā Makakamit ito sa tulong ng wastong impormasyon tungkol sa mga bakuna at kung titiyakin sa kanila ng pamahalaang ibayong pag-iingat ang ginawa nito sa pagpapatupad ng vaccination program para sa mga bata.