613 total views
Nilinaw ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mananatiling non-partisan ang Simbahan sa bansa.
Ito ang pahayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace kaugnay sa endorsement ng Sangguniang Layko ng Pilipinas (SLP) kay Vice President at presidential aspirant Leni Robredo.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang pasya ng grupo ng mga layko ay hindi sumasalamin sa paninindigan ng CBCP.
Iginiit naman ng Obispo na mananatiling pumapanig sa katotohanan at katarungan ang simbahan para sa kabutihan ng bawat mamamayan.
“Ang CBCP Social Action Network ay nananatiling non-partisan sapagkat ‘yan ang mandatos na ating natanggap mula sa kabuuan ng CBCP; wala kaming iendorso na kandidato pero hindi ibig sabihin na neutral kami sa mga burning issues natin halimbawa issues on social justice, human rights, on ecology, mayroon tayong pinapanigan dun kung ano yung tama at ayon sa social teachings ng simbahan,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Gayunpaman, iginagalang ni Bishop Bagaforo ang pag-endorso ng SLP sapagkat ito ay kanilang karapatan bilang kristiyanong aktibong makibahagi sa halalan
Binigyang-diin ng Obispo na bilang legal at independent council ang grupo malaya itong makapamili ng susuportahang kandidato sa nalalapit na halalan subalit hindi ito nangangahulugang pagkatig ng simbahan sa partisan politics.
“As a non-government organization o NGO mayroon silang sariling posisyon pero hindi ibig kong bigyan ng diin na hindi yan ang opisyal na posisyon ng lahat ng samahan ng mga obispo ng CBCP,” giit ni Bishop Bagaforo.
Una nang pinaalalahanan ni CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang mga pari at iba pang lingkod ng Simbahan na manatiling mahinahon sa usaping pulitikal at pangalagaan ang pagkakilanlan bilang alagad ng Simbahan.
Patuloy na paalala ng Simbahan sa mahigit 60-milyong botante sa bansa ang matalinong paghalal ng mga susunod na lider alinsunod sa katangiang matapat, makatarungan at handang itaguyod ang kabutihan ng bawat mamamayan.