462 total views
Mga Kapanalig, inuulan lagi ng batikos ang Simbahang Katolika sa Pilipinas kapag nagsasalita ang mga lider nito sa mga usaping panlipunan, lalo na sa pulitika. Ngayong papalapit ang eleksyon, mainit sa mata ng ilan ang mga pari, mga madre, mga relihiyoso, at mga laykong lider ng mga organisasyong nakaugnay sa Simbahan na isinasapubliko ang mga kandidatong kanilang sinusuportahan. Para sa mga pumupuna sa mga relihiyoso at laykong lumalahok sa tinatawag nating partisan politics at pag-eendorso ng mga kandidato, salungat ang kanilang ginagawa sa separation of Church and State o ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado.
Hiramin natin ang paliwanag ni Fr Daniel Franklin Pilario, CM tungkol sa paglahok ng mga pari at relihiyoso sa pulitika, partikular na ang pag-endorso ng mga kandidato.
Maaari nga ba silang mag-endorso? Ang karaniwang sagot ay “hindi.” Pauulit-ulit na itong ipinaliwanag sa iba’t ibang pahayag ng Simbahan. Ang isang pari ay dapat na maging “center of unity” o sentro ng pagkakaisa ng kawang kanyang pinaglilingkuran bilang pastol. Ngunit kaakibat ng kanyang pagiging sento ng pagkakaisa ay ang pagtataguyod niya ng kapayapaan at pagkakasundong nakabatay sa katarungan. Mas mangingibabaw sa hindi pakikilahok sa pulitika ang tungkulin ng mga paring tiyaking nakakamit natin ang kabutihang panlahat o common good at katarungan.
Non-partisan din ang Simbahan. Sa pagiging non-partisan ng Simbahan, nagsisilbi itong boses sa kabila ng mga limitasyong itinatakda ng pulitika. Gayunman, ang isang lipunang kinabibilangan ng Simbahan ay hindi gagana nang walang malinaw na mga programang pulitikal. Samakatuwid, kung laging ihihiwalay ng Simbahan ang sarili nito sa usaping pulitika para lamang hindi maakusahang may kinikilingan at pinapanigan, nawawalang-saysay ang boses nito sa lipunan.
Sinasabi ring may hatian ng trabahong pulitikal ang mga bumubuo ng Simbahan. Ang mga pari ang nagbibigay pangaral sa mga mananampalataya habang ang layko ang nakikilahok sa pulitika. Ngunit ang paghahating ito ay nabubura kapag nakataya na ang mga turo ng ating Ebanghelyo at kapag nanganganib ang kabutihang panlahat at katarungan sa lipunan.
Sa madaling sabi, ang paglahok ng Simbahan sa partisan politics ay maituturing na pagtugon sa panawagang protektahan ang kabutihang panlahat, sa panawagang itaguyod ang katarungan, at sa panawagang ipagtanggol ang mga turo ng Ebanghelyo. Tungkulin ng Simbahan—relihiyoso man o layko—na batikusin ang mga partido at pulitikong lantarang binabalewala ang kabutihang panlahat, pinapalaganap ang katiwalian, lumalabag sa buhay ng tao, walang pagpapahalaga sa tunay na katarungan. Maaari naman nilang i-endorso ang mga kandidatong isinasabuhay ang mga aral ni Hesus at tunay na naglilingkod sa mga tao, lalo na sa mga nasa laylayan.
Sabi nga ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, habang ang iba ay itinuturing ang pulitika bilang isang larangan upang mag-agawan ng kapangyarihan, ang mga Katoliko ay tinatawagang linangin ang mabuting bahagi ng pulitika at maging lingkod nito. Ipinararating ang paanyayang ito sa lahat—kabilang ang mga pastol ng ating Simbahan. At ngayon nga, nakikita natin kung sinu-sino sa ating mga lider sa Simbahan ang tumutugon sa paanyayang ito.
Mga Kapanalig, tayo po ay hindi lamang mamamayan ng Pilipinas. Tayo ang bumubuo sa bayan ng Diyos—isang bayang pinahahalagahan ang dignidad ng bawat isa, isang bayang pinahahalagahan ang katarungan, isang bayang itinataguyod ang kapakanan ng lahat. Bilang mga Kristiyano, tayo ay may tungkuling itatag ang sinasabi sa Daniel 11:10 na isang bayang “may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo.” Hindi ito mangyayari kung nananahimik tayo—lalo na ang mga relihiyoso—sa gitna ng kawalang katarungan. Hindi ito mangyayari kung papanig tayo sa mga pulitikong sakim sa kapangyarihan, binabaluktot ang katotohanan, at ginagamit lamang ang mga tao para sa sariling kapakanan.