522 total views
Kay daming nangyayari palaging panawagan sa isa't-isa ay pang-unawa at pang-intindi ngunit hindi sasapat at laging kapos ating kaisipan upang isang tao ay lubusang makilala at maunawaan.
Kapag mayroong may-sakit mayroong nagigipit ano ba ang ating nasasambit? Mag-usisa at magsalita huwag lang walang masabi sa akalang makapagpapabuti?
Kamakailan sa mga talakayan mainit pinag-uusapan respeto daw ang kailangan; tama din naman at nararapat lang igalang bawat nilalang.
Ngunit paano na lang kung sa ating pag-respeto at pag-galang mayroong ibang nalalapastangan o nasasaktan at natatapakan, sasapat ba itong panawagan?
Sa ating kasalukuyan, marahil higit nating kailangan kilalaning kapwa-tao isa't-isa na katulad ko, higit sa respeto, pang-unawa at pang-intindi mayakap at matanggap kay Kristo.