526 total views
Ikinabigla ng Alyansa Tigil Mina ang biglaang pagbibitiw ni Secretary Roy Cimatu bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources.
Ito’y sa kadahilanang mayroong iniindang karamdaman si Cimatu na hindi rin malinaw na nakasaad sa kanyang ‘resignation letter’.
Ayon kay ATM National Coordinator Jaybee Garganera, bagamat hindi na kailangan pang kwestyunin ang kalagayang pangkalusugan ng dating kalihim ay dapat pa ring maging ‘transparent’ ang pamahalaan.
“Hindi magandang senyales ‘yan ng isang lider. Bagamat hindi na natin kekwestyunin kung health reasons ang kanyang sinabi…pero in the interest of transparency, wala naman sigurong mawawala kung mas magiging bukas at sasabihin nila kung ano ‘yung health problem niya,” pahayag ni Garganera sa panayam ng Radio Veritas.
Sa liham mula sa Office of the President, ipinabatid ni Executive Secretary Salvador Medialdea na tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang pagbibitiw ni Cimatu.
Si Cimatu ay naglingkod bilang kalihim ng DENR mula May 2017, matapos na ihalal ni Pangulong Duterte upang palitan ang dating kalihim at ngayo’y yumaong si Gina Lopez na ang pagkakahirang ay tinanggihan ng Commission on Appointments.
Gayunman, ipinagdarasal ng ATM ang agarang paggaling ni Cimatu sa kanyang karamdaman.
“Sana ay gumaling siya kaagad at makarecover siya kung anuman ‘yung health reasons na yun. Bilang isang indibidwal syempre, tayo naman ay nagdadasal na maging malusog ang lahat at kasama si Sec. Cimatu sa pinagdarasal natin,” ayon kay Garganera.
Samantala, nagpahayag din ng saloobin ang grupo hinggil sa pagkakahirang kay Undersecretary Jim Sampulna bilang officer-in-charge ng DENR na sa kanilang palagay ay kulang pa ang kakayahan upang pamunuan ang ahensya.
Nakikita rin ni Garganera na maaaring mas pahintulutan lamang lalo ni Sampulna ang operasyon ng pagmimina dahil sa hangaring muling buhayin ang ekonomiya ng bansa.
Panawagan naman ng ATM na nawa’y maging bukas sa pakikipagdiyalogo ang opisyal upang maging mas kapaki-pakinabang ang ugnayan ng pamahalaan sa mamamayan sa pagpapatupad ng mga batas tungo sa pangangalaga ng kapaligiran.
“Nananawagan ang ATM na maging bukas ang bagong kalihim sa diyalogo, sa pakikipag-usap. Tingin ko kung gusto niya [Sampulna] talagang magkaroon ng kapaki-pakinabang na relasyon sa mga tao at mga environmental groups, bukas naman kami makipag-usap. Pero kung hindi sila interisado, mananatili tayong maingay, mananatili tayong mapagmatyag at babantayan natin ang DENR,” saad ni Garganera.