821 total views
Itinalaga ng Quezon City si San Jose bilang isa sa mga patron ng lunsod.
Sa bisa ng Resolution no. SP-8771, Series of 2021 napagkasunduan ng Quezon City Council sa kanilang pagpupulong na si St. Joseph ay magiging patron sa titulong ‘Protector of Quezon City’.
Pinangunahan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang pagsusulong nito sa pamahalaang lungsod kasama ang komunidad ng St. Joseph Shrine sa Project 3, Quezon City.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Diyosesis ng Cubao paiigtingin ng lunsod ang pagsusulong sa debosyon ni San Jose.
“The said resolution states that the Feast of St. Joseph shall be included in the Quezon City Cultural Calendar to promote its religious significance and all forms of media shall be utilized to promote the Feast of St. Joseph,” bahagi ng pahayag.
Ginanap ang proklamasyon noong February 19, 2021 na dinaluhan ni Mayor Joy Belmonte, Councilor Jorge Banal at Wency Lagumbay.
Tinanggap naman ni Fr. Ronald Macale, Rector at Parish Priest ng dambana, ang full text ng resolusyon na ipinagkaloob ng LGU.
“A medal bearing the seal of Quezon City was also pinned to the regalia of the venerated image of St. Joseph to symbolize his patronage,” dagdag nito.
1951 nang maitatag ang dambana ni San Jose at kauna-unahang parokya sa Quezon City na itinalaga sa pangalan ng Santo.
Bukod kay San Jose kinilala ring patron ng lunsod si San Pedro Bautista, San Vicente de Paul bilang patron saint sa urban poor ng lunsod, at ang Our Lady of La Naval ang patron ng Quezon City.
Matatandaang noong December 2020 hanggang December 2021 itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang Year of St. Joseph bilang paggunita sa ika – 150 anibersaryo ng pagiging patron ni San Jose sa Universal Church.