423 total views
Mga Kapanalig, umani ng batikos ang video na inilabas sa Facebook page ni Senator Imee Marcos.[1] Sa video, sinabi ng senadorang ang pagtatrabaho ay time management lamang. Nagtapos ang video na may mensaheng “Anyone who claims to work 18 hours a day is either lying or stupid.” Bagamat hindi raw iyon political content, patama ito kay Vice President Leni Robredo na nagsabi sa isang candidates’ forum na halos 18 oras siyang nagtatrabaho. Binansagan ding “Lenlen” ang fictional character na pinag-uusapan ng senadora at mga kasama niya sa video.
Sa isang bansang maraming suliraning kinakaharap ang mga manggagawa, wala sa lugar ang mensahe ng video. Batay sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority noong Disyembre, tatlong milyon ang walang trabaho sa bansa sa kabila ng paghahanap nila ng trabaho. Halos pitong milyon naman ang may trabaho nga, pero naghahanap pa ng karagdagang trabaho upang madagdagan ang mababa nilang sahod. Nariyan pa ang endo o iligal na kontraktwalisayon kung saan nanatiling walang seguridad at benepisyong natatanggap ang mga manggagawa. Hiwalay na usapin pa ang di-makataong kalagayan ng maraming manggagawa sa bansa, at kasama rito ang pagtatrabaho sa delikadong lugar at lampas na tamang oras o haba .
“Out of touch” ang naging paglalarawan ng mga labor groups at concerned citizens sa video ng senadora. Satire man o patama sa mga katunggali sa pulitika, ang video ay nagpapakita ng pagkamanhid sa kalagayan ng maraming manggagawang nagtatrabaho ng 18 oras o higit pa. Noong isang linggo, bumaha sa social media ang mga kuwento ng mga manggagawang katulad ni “Lenlen” na kumakayod nang halos walang pahinga. Mayroong mga health care workers, tsuper, guro, at mga magulang na gumagawa ng iba’t ibang “raket” sa loob ng isang araw. Sa bawat post, iginigiit nilang hindi sila sinungaling o estupido katulad ng sinasabi sa video. Hangad lamang nilang matugunan ang mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Para kay presidential candidate at labor leader na si Ka Leody de Guzman, hindi nauunawaan ng senadora ang kalagayan ng mga manggagawa dahil hindi niya naranasang kumayod nang matindi para may makain ang kanyang pamilya. Marahil daw ay hindi rin niya naranasang alagaan ng isang karaniwang ina na abalá na nga sa mga gawaing bahay, sila pa ang nagbabanat ng buto para may maipanggastos. Huwag din nating kalimutang ang maginhawang buhay ng senadora ay nababalot ng mga kaso ng katiwalian at nakaw na yaman mula sa mga inutang ng bansa at patuloy na binayaran ng mga ordinaryong Pilipino, kasama ang maraming manggagawa.
Malinaw sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng paggawa upang maitaguyod ang dignidad ng tao. Ang paggawa ay mahalaga para sa kaunlaran ng tao nang makamit niya at ng kanyang pamilya ang kanilang mga pangangailangan. Paraan din ang paggawa upang makapag-ambag ang bawat indibidwal ng kanilang mga talento tungo sa kabutihang panlahat o common good. Samantala, tungkulin ng pamahalaang bumuo at magpatupad ng mga patakaran at programangng magtitiyak na may sapat na trabaho para sa lahat, tama at sapat ang sahod ng mga manggagawa, at maayos at ligtas ang kalagayan ng mga manggagawa.
Mag Kapanalig, katulad ng sinasabi sa Genesis 2:15, “Inilagay ng Panginoon ang tao sa halamanan upang ito’y pagyamanin at pangalagaan.” Ibig sabihin, bahagi ng magandang plano ng Diyos ang paggawa. Ang kakulangan ng oportunidad at maayos na kalagayang paggawa ay hadlang sa planong ito Diyos. Nawa’y sa halip na kutyain ang mga nagtatrabaho ng 18 oras o higit pa, unawaain natin ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa at kumilos tayo, lalo na ang mga nasa pamahalaan, upang makamit natin ang isang makataong kalagayan ng manggagawang Pilipino.