511 total views
Mga Kapanalig, ginugunita natin ngayong linggo ang makasaysayang EDSA People Power na nagpatalsik sa diktador na Pangulong Ferdinand Marcos noong Pebrero 1986. Sa marami sa ating may malay na nang mga panahong iyon, marahil ang ating naaalala ay ang libu-libong taong nagdagsaan sa harap ng Kampo Aguinaldo at pinunô ang buong lawak at haba ng EDSA mula Ortigas hanggang Cubao.
Ngunit ilan kaya sa atin ang nakakaalalang dalawang linggo bago nangyari ang pag-aaklas, may 35 computer technicians na kabilang sa COMELEC National Tabulation Project na nagsagawa ng isang makasaysayang walkout? Iniwan nila ang kanilang ginagawang pagbibilang ng mga boto dahil napansin nilang ang kanilang pinapasok na mga numero sa computer ay hindi tumutugma sa lumalabas na tally sa malaking screen na siyang nakikita ng publiko.
Sa pangyayaring ito, ang mga ordinaryong mamamayang tumutupad lamang sa kanilang gawain at propesyon at walang kinikilingang kandidato ay nagpasyang manindigan laban sa napansin nilang pagmamanipula sa resulta ng halalan. Bawat isa sa 35 indibidwal ay nakinig sa kanyang konsensiya, nagpahalaga sa integridad ng kanyang propesyon, at naglakas-loob na tumiwalag sa alam niyang nagaganap na pandaraya.
Ilan kaya sa atin ang mayroong ganitong tapang at paninindigan sa harap ng pandaraya, pagsisinungaling, at pagbabaluktot ng katotohanan na nagaganap ngayon? Iba ba ang kalagayan natin noon at ngayon, o may pagkakapareho? Iba marahil ang anyo ng mga kaganapan, ngunit hindi maitatangging laganap pa rin ang pandaraya at paglilinlang sa taumbayan ngayon. Laganap ang fake news at tahasang kasinungalingang isinusubo sa mga tao sa social media. Ngayon natin sana kailangang muli ang tapang at paninindigang ipinakita ng 35 computer technicians noong 1986. Kakaunti lamang sila, subalit nabago nila ang takbo ng kasaysayan. Dahil sa ginawa nila, namulat ang mga tao sa pandarayang naganap sa 1986 snap elections na ipinatawag ni Marcos, at ito ang naging mitsa ng pag-aaklas ng taumbayan.
Ano ang matututunan natin dito?
Kapag may nakikita tayong mali sa mga nangyayari sa ating lipunan, madalas tayong panghinaan ng loob at sinasabi natin sa ating sarili, “Ano ba naman ang magagawa ko?” o “Ano ang magagawa natin gayong kakaunti lamang tayo?” Ang ginawa ng 35 computer technicians, na maituturing na tunay na kabayanihan, ay nagpabago sa kasaysayan, at hindi ito gawa-gawang kuwento lamang. Ang kanilang ginawa ay dapat na laman ng mga aklat sa ating mga paaralan upang maitanim sa isip ng kabataan ang tungkulin nilang tumindig para sa katotohanan at labanan ang panlilinlang.
Talamak ngayon ang kasinungalingan sa social media, at madaling magpakalat ng fake news. Pinapaalala ng panlipunang turo ng ating Simbahan na ang layunin ng media ay ang gawin tayong mulát sa ating dignidad bilang tao, mas responsible, at bukás sa ating kapwa, lalo na sa pinakanangangailangan at pinakamahina sa lipunan. Hindi dapat ginagamit ang media upang iligaw ang ating kapwa at itulak silang magdesisyon batay sa mali at kasinungalingan.
Mga Kapanalig, sinabi ng Panginoon kay propetang Jeremias, “Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako’y magiging kanilang Diyos at sila’y magiging aking bayan.” Kapag pinakikinggan natin ang kautusang inilagay mismo ng Panginoon sa ating kalooban at sa ating konsensya, kinikilala natin Siya bilang Panginoon, at tayo ay mananatiling Kanyang bayan. Ngunit kapag tinalikuran natin ang kautusang inilagay Niya sa ating puso, para na ring sinabi natin sa Kanyang “hindi ka namin Panginoon at hindi mo rin kami bayan.” Kailanman ay hindi tayo iiwan ng Diyos, ngunit kung tayo mismo ang nagwawaksi sa Kanya dahil pinipili nating maniwala sa mga kasinungalingang dulot ng tao, paano tayo maililigtas sa kapahamakang tayo mismo ang pumili?