529 total views
Kapanalig, isa sa mga problema na dapat din nating pagtuunan ng pansin ay ang basura. Baybayin lamang nating ang mga lansangan sa ating kapaligiran, makikita natin na kung saan may bakanteng lote, may basurang tambak. Baybayin natin ang ating mga ilog at ang mga sapa, pihadong may basura din. Bakit nga ba marami sa atin ang hindi mapigilang magtapon ng basura sa ating kapaligiran kahit pa regular naman kinokolekta ang mga ito, lalo na sa mga urban centers?
Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank, kasalukuyang nasa 1.3 billion tonelada kadan tao ang antas ng pandaigdigang solid waste generation. Inaasahang tataas pa ito ng 2.2 billion tonelada kada taon pagdating ng 2025. Katumbas ito ng pagtaas mula 1.2 kilo hanggang 1.42 kilong basura ang malilikha ng bawat tao kada araw.
Sa ating bayan, tinatayang isang kilo ng basura kada araw ang nalilikha ng bawat mamamayan. May isa ring pag-aaral na nagsasabi na ang Pilipinas ay pangatlo sa mga bansa na may mga plastic na namatatagpuan sa mga karagatan. Dalawangpung porsyento ng ating 2.7 million metrong tonelada na mga plastic garbage kada taon ay napupunta ssa karagatan, ayon sa “Stemming the Tide: Land Based Strategy for a Plastic-free Ocean” ng Ocean Conservatory.
Dalawa sa mga pangunahing rason sa isyung ito, ayon sa Ocean Conservatory, ay ang illegal dumping at ang presensya ng mga dump sites malapit sa mga katawang tubig.
Ito, kapanalig, kung may sapat na political will, ay madalang mabigyan ng solusyon. Ito ang mga tunay na basura ng ating lipunan na dapat mawala. Nakamamatay ito ng hayop at tao. Ang basura ay nagbabara ng mga daluyang tubig na nagdudulot ng malawakang pagbaha. Ang basura ay lumalason sa mga isda, at pumapatay din sa kabuhayan ng maraming mga mangingisda.
Sa aspetong ito ng ating lipunan kailangan ng malawak na pagbabago. Ang basura ay hindi lamang isyu ng koleksyon, isyu rin ito ng ating kaugalian. Ang pagsasa-ayos ng basura ay responsibilidad nating lahat. Ang praktis ng maling pagtatapon ng basura ay nagmumula sa ating kamay.
Kapanalig, ang Laudato Si ni Pope Francis ay may mahahalagang gabay sa atin ukol sa isyu na ito. Ayon sa dokumentong ito, ang basura ay kaugnay din ng ating “wasteful culture.” May mga uri ng polusyon na bahagi ng ating pang-araw araw na buhay na mas lalong nagpapahirap sa mga maralita at nagdudulot ng panganib sa kalusugan at sa kalaunan, kamatayan. Nawa’y magising tayo sa mga katagang ito ng mahal na Papa: The violence present in our hearts, wounded by sin, is also reflected in the symptoms of sickness evident in the soil, in the water, in the air and in all forms of life. This is why the earth herself, burdened and laid waste, is among the most abandoned and maltreated of our poor; she “groans in travail.”