287 total views
Mga Kapanalig, sa Section 1 Article XI ng ating Saligang Batas, malinaw na sinasabing “public office is a public trust.” Ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan ay dapat na nananagot sa ating mga mamamayan. Dapat na naglilingkod sila nang buong katapatan, nang may pananagutan, nang may integridad. Dapat na maging halimbawa sila ng payak na pamumuhay.
Noong nakaraang linggo, nakapanlulumo ang sinapit ng isang pulis na nakasakay sa chopper ng PNP na bumagsak sa bayan ng Real sa Quezon. Sugatan naman ang dalawa niyang kasama. Bumiyahe sila upang sunduin si PNP Chief Dionardo Carlos sa eksklusibong Balesin Island Club sa Polilio, Quezon, kung saan siya nagbabakasyon. (Alam ba ninyong nagsisimula sa tatlong milyong piso ang halaga ng membership sa nasabing club?) Paliwanag ng hepe, kinailangan niyang magpasundo gamit ang sasakyan ng PNP dahil ang inupahan niyang private chopper ay hindi siya masusundo sa oras na gusto niya. Pinapayagan naman daw ng rules and regulations ng PNP ang pagpapasundo sa isang opisyal kahit pa galing siya sa isang pribadong gawain katulad ng pagbabakasyon. Ipinagtanggol din siya ng kalihim ng Department of the Interior and Local Government (o DILG), at sinabing kasama sa mga pribilehiyo ng PNP chief ang gamitin ang police chopper kahit pa sa mga bagay na walang kinalaman sa pagganap niya ng kanyang tungkulin.
Ang bumagsak na helicopter ay pinondohan ng ating buwis, at ang gastos upang magamit iyon—mula sa suweldo ng mga piloto hanggang sa gasolinang gagamitin—ay mula rin sa ating buwis. (Nakalulungkot na nagbuwis din ng buhay ang isang pulis para sunduin ang PNP chief.) Maaaring naaayon sa batas at mga regulasyon ang pagsundo sa hepe ng PNP gamit ang opisyal na sasakyan ng pamahalaan para sa isang pribadong biyahe, ngunit hindi ba salungat ito sa sinasabi natin kanina tungkol sa public trust na dapat na pinapahalagahan ng ating mga lingkod-bayan?
Isa lamang ito sa mga pagkakataong nagagamit ang gamit ng pamahalaan—at ang pera ng taumbayan—para sa mga bagay na wala namang kinalaman sa pagtupad ng mga lider at kawani ng pamahalaan sa kanilang tungkulin. Ngayon ngang panahon ng kampanya, may mga government vehicles na ipinapagamit ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa mga motorcade at caravan ng kanilang manok sa eleksyon. Malinaw na ipinagbabawal sa Omnibus Election Code ang paggamit ng mga sasakyang pagmamay-ari ng pamahalaan para sa pangangampanya.
Maging ang oras na ginugugol ng mga pulitiko para sa mga magagarbo nilang party at pagtitipon ay oras na dapat nakalaan sa pagtatrabaho. Sabihin na nating naka-leave sila sa mga araw na iyon, pero ano ang sinasabi ng kanilang marangyang pamumuhay tungkol sa mga pinahahalagahan nila bilang mga nangakong maglilingkod sa mga tao, lalo na sa mga mahihirap? Paano nila naaatim na sabihing inuuna nila ang kalagayan ng maliliit sa lipunan habang kayang-kaya nilang pumunta sa mamahaling resort at magbayad ng pribadong jet o—ang mas masaklap—gumamit ang sasakyan ng pamahalaang dapat ginagamit sa pagseserbisyo sa mamamayan?
Mga Kapanalig, wika nga sa Ebanghelyo ni San Lucas, “Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.” Ang ating mga lider at kawani ng pamahalaan ay pinagkatiwaan ng mamamayan ng malaking tungkuling paglingkuran ang bayan, kaya’t dapat lamang natin silang papanagutin. Sabi nga ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino, ang taumbayan ang “boss” ng mga nasa pamahalaan. At paalala naman ni Pope Francis, “true power is service.” Ang kapangyarihang tangan ng mga nasa pamahalaan ay dapat na ginagamit sa paglilingkod, hindi upang mamuhay sa pribilehiyo o isulong ang maruming pamumulitika.