438 total views
Ibinahagi ng opisyal ng Caritas Philippines ang kahalagahan ng panayam ng mga kandidato lalo na sa mataas na posisyon.
Ito ang pahayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, national director ng NASSA/Caritas Philippines hinggil sa pagsasagawa ng mga debate at talakayan bilang paghahanda sa nalalapit na 2022 National and Local Elections.
Paliwanag ng Obispo na ito’y upang mas malaman ng taumbayan ang pagkatao at tunay na hangarin ng mga kandidato sa pagkapangulo, pangalawang pangulo at pagkasenador para sa kinabukasan ng bayan.
“Presidential debates are like pressure tests. You reveal yourself with your answers, and your demeanor,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Iginiit naman ni Bishop Bagaforo na walang sinuman ang nagnanais na mahusgahan ang pagkatao ng isang indibidwal subalit, kung magpapahalal sa mataas na posisyon, kinakailangang humarap sa taumbayan upang ihayag ang mga programa at plataporma.
“So it takes courage, conviction, and inner calmness to stand in front of public scrutiny, and respond to hard questions. It also means one respects the platform of public discourse,” saad ni Bishop Bagaforo.
Patuloy na pinapaalalahan ng Simbahan ang 67-milyong botante sa bansa ang matalinong paghalal sa mga susunod na lider alinsunod sa katangiang matapat, makatarungan at handang itaguyod ang kabutihan ng bawat mamamayan.