696 total views
Pinaalalahanan ng Bureau of Fire Protection-Chaplain Services ang publiko na maging handa at magkaroon nang sapat na kaalaman upang maiwasan ang sunog ngayong Marso o Fire Prevention Month.
Ayon kay Fire Senior Inspector Fr. Raymond Tapia,ng BFP Chaplaincy, mahalagang alam ng publiko ang mga dapat gawin upang maiwasan ang mga sakuna tulad ng sunog.
Kabilang na ayon sa pari ang pagpapaalala sa paggamit sa mga dekuryenteng kagamitan.
“Una, iwas-iwas tayo sa mga Octopus connection kasi it can cause many fire. Pangalawa, huwag nang mag-jumper sa iba’t ibang mga kable ng kuryente because it can cause fire also. Pangatlo, kapag hindi naman kailangan o kaya naman hindi ginagamit ‘yung isang appliance, pakitanggal ng saksak,” paalala ni Fr. Tapia mula sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ni Fr. Tapia, dapat ding tiyaking nakasarado ang mga kalan, at ilayo sa mga bata ang mga gamit na maaaring pagmulan ng apoy tulad ng posporo at kandila.
Paalala naman ng pari na kapag nagkaroon ng sunog, agad na lumikas sa lugar at ipaalam sa mga awtoridad ang sitwasyon.
Sakali namang makulong sa nasusunog na gusali, takpan ang sarili ng basang tuwalya habang papalabas ng lugar.
“Kapag may sunog, huwag mataranta. Alamin ang dapat gawin at higit sa lahat be aware of what is happening around you. Maiiwasan ang sunog kung marunong tayong maging mapagmatyag, sensitibo, at may alam tungkol sa pag-iwas sa sunog,” dagdag ni Fr. Tapia.
Sa pag-aaral ng BFP, ang tatlong pangunahing sanhi ng sunog sa bansa ay ang faulty electrical connections, nakasinding upos ng sigarilyo, at apoy mula sa mga napabayaang kalan.
Naitala rin ng ahensya na sa unang dalawang buwan ng kasalukuyang taon ay tumaas ng 2,103 o 13-porsyento ang bilang ng insidente ng sunog sa bansa, kumpara noong 2021 na nakapagtala lamang ng kabuuang 1,863.
Tema ngayong taon ng Fire Prevention Month ang “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa”.