292 total views
Ang edukasyon kapanalig ay mahalaga, hindi lamang para sa pangako ng mas magandang bukas, kundi para sa mas malinaw na pag-iisip at mas “informed” na pagpapasiya sa kasalukuyan. Habang nag-aaral tayo kapanalig, napapalalim natin ang ating pang-unawa sa pang-araw-araw nating buhay at sa mga nangyayari sa ating lipunan.
Ang edukasyon nga lamang ngayon, kapanalig, ay hindi naabot ng marami nating mga mamamayan. Lalo ngayong panahon ng pandemya, naging mas mahirap para sa marami ang pag-aaral sa ating bansa.
Marami sa atin, lalo na sa mga kanayunan, ang hindi na nakakatapos ng pag-aaral. Dahil nga sa pandemya at kahirapan, mas dumami ang hindi naka-enroll sa paaralan. Tinatayang bumaba ang enrollment nitong 2020 sa public at private schools. Mula 27.7 milyong enrollees noong 2019, naging 23 million na lamang ito.
Bago pa man magpandemya, marami na rin ang hindi nakakapag-aaral. Tinatayang mga 3.53 milyong kabataan may edad 6 to 24 ay mga out of school youth. Ang 83.1% nito ay dapat mga kabataang college students na, mga nasa edad 16 hanggang 24, habang 11.2% naman ay mga edad pang-high school, 12 to 15 years old, at ang halos 6% ay mga six to 11 years old.
Nakaka-alarma na kapanalig, ang dami ng ating mga kabataang hindi nakakapagtapos. Sa kawalan ng edukasyon, ating napagkakait sa mga kabataan ang pagkakataon na matuto, magkaroon ng espesyalisasyon, at magkaroon ng diploma na magagamit nito para maka-angat sa buhay. Ang kawalan din ng edukasyon ay nagnanakaw sa mga kabataan ng oportunidad upang mahasa ang kanilang kakayahang sumuri, magpasya, at maging lider sa karerang kanilang pipiliin.
Atin ding pinababayaan ang ating bansa kung hinahayaan nating bitin ang access sa edukasyon ng ating mga kababayan. Sa halip na tumaas ang kalidad ng ating human capital bilang isang bansa, tayo mismo ang nagpapababa nito dahil hindi natin maiangat ang access to education, lalo na sa kolehiyo, kung saan napakadami ang hindi nakakapagtapos, o nakakapasok man lang.
Kapanalig, ayon nga sa Evangelii Gaudium, ang pangarap natin ay dapat mas mataas pa sa simpleng survival o daily sustenance lamang. Nais din natin na ating masiguro ang araw araw na kabutihan ng balana pati na ang kanyang pag-unlad. At para maabot natin ito, kailangan ng lahat ng access sa mga batayang serbisyo, gaya ng kalusugan, trabaho, at edukasyon. Sa mga batayang serbisyo na ito, ating naipapahayag at napapayayabong ang dignidad ng ating pagkatao.
Sumainyo ang Katotohanan.