289 total views
Marami sa ating mga kababayan medyo kinakabahan maging senior citizen. Dito kasi sa ating bansa, pag naging senior citizen ka, parang nagiging second class citizen ka.
Pag senior ka na, limitado na ang opsyon mo magtrabaho. Kahit malakas ka pa, parang wala ng tiwala o kumpiyansa ang mga kompanya sa kakayahan mo. Mas nakikita na nilang risk o liability ang mga seniors na manggagawa, kaysa asset.
Kahit gusto man magtrabaho ng senior, mahihirapan na rin sila. Ang transport system kasi dito sa ating bansa, hindi friendly sa seniors. Kung karaniwang tao ka lamang, hanggang jeep, bus, at tricycle lamang ang masasakyan mo. Kung sasakay ka ng jeep, aba’t parang halos lumuhod ka na o humiga para lamang maabot mo ang estribo. Yan ay kung makakahabol ka sa jeep o bus. Kadalasan, bago mo man lang mahaplos ang sasakyan, nasiko ka na ng mas bata pang pasahero.
May mga seniors naman may pension at pwede na sanang magretire na. Kaya lamang, lalo na para sa mga galing sa pribadong kompanya, napakaliit ng halaga ng pensyon ng ating mga seniors. Ayon nga sa iba, sa gamot pa lamang nila, kulang na ito. Paano pa kaya sa pang-araw-araw na gastusin?
Ayon nga sa Global Pension Index, naku kapanalig, kulelat tayo. Pang-41 tayo sa 43 bansa na kanilang nasurvey noong 2022. Ayon sa pag-susuri, marami pa tayong dapat ayusin upang ating mapabuti pa ang retirement income system sa ating bansa.
Ilan sa mga suhestyon ng pagsusuri ay ang pagsa-sa-ayos ng governance sa ating pension system. Kailangan mai-diversify ang mga pension assets sa mas malawak na merkado upang lalo itong lumago. Kailangan din nating maitaas ang suporta sa mga poorest seniors natin. Ang ating pension system ay kailangan din maging mas handa sa mas mahabang life span ng mga mamamayan, at siguraduhing masusuportahan niya ang mga seniors sa panahong ito. May gender gap din kapanalig, sa ating pension system. Mas kaunti ang benepisyo ng mga babaeng senior citizens sa ating pension system.
Kapanalig, sa totoo lang, hindi pa nga dyan nakasama ang problema ng ating mga seniors pagdating sa health care. May PhilHealth man sila, hindi naman nila kaya bumili ng mga gamot dahil ang liit nga ng pension nila.
Utang natin sa ating mga seniors ang buhay na ating tinatamasa ngayon. Marapat lamang na tiyakin natin na mae-enjoy naman nila ang kanilang buhay matapos magtrabaho ng pagkatagal tagal para sa ating lahat. Hindi tama na matapos ang maraming taong kakayod, biglang magiging maralita ang ating mga elders ng lipunan. Sabi sa Evangelii Vitae, “Not to share one’s wealth with the poor is to steal from them and to take away their livelihood. It is not our own goods which we hold, but theirs.” Hindi ba’t parang nagnanakaw din tayo sa mga seniors kung sa kanilang pagtanda, halos wala silang mahita mula sa kanilang matagal na pagkayod para sa ating mga pamilya?
Sumainyo ang Katotohanan.