324 total views
Kapanalig, base sa opisyal na datos, nasa 12% ang disability prevalence sa ating bansa.
Tinatayang nasa 12% ng mga Filipinos na may edad 15 pataas ang nakakaranas ng severe disability, isa kada dalawa ang nakakaranas ng moderate disability, at mga 23% ang may mild disability. Marami sa mga may disabilities ay mga seniors na.
Malaking bahagi na ito ng ating lipunan kapanalig. Handa ba ang ating bansa sa mga pangangailangan ng mga may persons with disabilities o PWD? Kung pagba-basehan ang 2016 National Disability Prevalence Study, hindi tayo handa.
Ayon sa survey na ito, 45% ng mga lugar para sa “socializing ang community activities” ay very hindering o sobrang humahadlang para sa mga PWDs na may severe disabilities. 44% naman ang nagsasabi na pati bangko, mga tindahan, at mga opisina sa kanilang komunidad ay sobrang nakakahadlang din sa kanilang pag-galaw. Pati transportasyon na kanilang kailangan ay sobrang nakakahadlang para sa 43% ng mga nasakop ng survey.
Kapanalig, kailangan na natin ng pagbabago sa ating lipunan upang tunay na maging inklusibo ang ating mga pamayanan. Kung hirap makagalaw ang ating mga kababayang PWDs sa kanilang mga komunidad, natatanggalan natin sila ng kanilang karapatan na magkaroon ng makabuluhan na buhay at ng partisipasyon sa lipunan.
Kung hirap ang gobyerno magawa ito, maari namang manguna ang pribadong sektor. Mainam na magkaroon ng paradigm shift sa usaping ito, kapanalig. Mas mainam, mula sa perspektibo ng pribadong sektor, na makita rin sila bilang mga kliyente, workforce, at partners. Sa mga tindahan, malls, at bangko, ang mga PWDs ay isang untapped market – kung ang mga establisyemento mo ay hindi PWD-friendly, malilimitahan ang iyong client o customer base, diba? Sa mga negosyante rin, lalo ngayon napabilis ang ating transisyon sa online transactions, ang mga PWDs ay maari ring source ng mga manpower, lalo na kung global o international ang iyong operasyon at kailangan ng manpower 24/7. Maari rin silang maging partner, kapanalig, sa mga bagong negosyo na maari pang itayo ngayon, lalo’t mas dumarami na ang mga produkto na maaring ibenta at mas malawak na ang merkado dahil sa teknolohiya.
Ang suporta sa mga may kapansanan ay hindi kailangang laging manggaling sa awa. Marami tayong mga PWDs na maalam, mahusay, at matiyaga. Hindi sila kulang, differently-abled sila. Kung may kakayahan at kasanayan ka, meron din sila. Pero hindi natin makikita at magagamit ito kung hindi inklusibo hindi lamang ang ating imprastraktura, kundi pati ang mindset natin bilang Filipino.
Sabi nga sa Evangelium Vitae: Our commitment does not consist exclusively in activities or programmes of promotion and assistance; what the Holy Spirit mobilizes is not an unruly activism, but above all an attentiveness which considers the other “in a certain sense as one with ourselves.” Kailangan nating makita na ang PWDs ay kaisa natin, kasama natin. Sana tunay nating maunawaan ito.
Sumainyo ang Katotohanan.