431 total views
Umalma si Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) Chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm, sa pagtaguri ng isang kolumnista sa TFDP bilang ‘communist front’ mula noong panahon ng Martial Law.
Ayon sa Pari, hindi katanggap-tanggap ang naturang red-tagging laban sa grupo na naglalantad sa kapahamakan sa buhay ng mga kawani at iba pang mga katuwang na Human Rights Defenders (HRDs) ng Task Force Detainees of the Philippines.
Ang pahayag ni Fr. Buenafe ay kasunod ng inilathala ng kolumnistang si Rigoberto Tiglao sa “The Manila Times” noong March 7, 2022 na may titulong “Fake news on detentions, tortures, and killings under Marcos,” kung saan tinagurian ang TFDF na ‘communist front’ na may tungkuling palakihin ang bilang ng mga bilanggong pulitikal noong panahon ng Batas Militar.
“Communist-controlled TFD?!?! Red tagging is real and it endangers the lives of our staff and fellow HRDs (Human Rights Defenders),” pahayag ni Fr. Buenafe.
Matatandaang una ng tiniyak ng Pari ang patuloy na pagsusulong sa karapatang pantao ng mga Pilipino ng (TFDP) makalipas ang mahigit sa apat na dekada mula ng maitatag ito ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) noong 1974 sa kasagsagan ng Batas Militar.
Bukod sa legal na tulong ay nagkakaloob rin ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) ng moral at pang-espiritwal na paggabay sa mga political prisoners at kanilang pamilya.
Sa kasalukuyan bukod sa pagtulong sa mga political prisoners sa bansa ay aktibo rin ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) sa pagsusulong sa karapatang pantao ng mga manggagawa, mag-aaral, maralita at mga mamamayang naaabuso sa lipunan partikular na sa inilunsad na War on Drugs ng administrasyong Duterte.