302 total views
Mga Kapanalig, noong katapusan ng Pebrero, inilabas ng Intergovernmental Panel on Climate Change (o IPCC) ang pinakabagong ulat nito tungkol sa mga sanhi at epekto ng climate change at mga posibleng solusyon dito. Gaya pa rin ng natuklasan sa mga naunang report, mas titindi at mas bibilis pa raw ang pagbabago ng klima kaysa sa ating inaasahan, at maraming bahagi ng ating planeta ang magiging unhabitable o hindi na maaaring matirahan sa susunod na ilang dekada. Dahil sa nakaaalarmang estado ng ating klima, tinawag ito ng secretary-general ng United Nations bilang “code red for humanity’’.
Sa araw ng paglabas ng IPCC report, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 164 na naglalahad na magkaroon ng iisang posisyon ang bansa para sa nuclear energy program. Dahil sa patuloy na pagnipis ng suplay ng kuryente sa ating bansa, isasama na ang nuclear power sa mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya. Inatasan din ang Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee na magsagawa ng pag-aaral at magsumite ng mga rekomendasyon kaugnay sa posibilidad na mabuksan at magamit ang Bataan Nuclear Power Plant (o BNPP) sa Morong, Bataan. Bagamat nabanggit sa executive order na susundin daw ng pamahalaan ang pinakamataas na pamantayan ng nuclear safety alinsunod sa international standards, ang muling pagbubukas sa BNPP ay bagay na kinakailangang suriing maigi lalo na’t may epekto rin ito sa tumitinding pagbabago sa klima ng mundo.
Ipinatayo noong rehimeng Marcos, isa ang BNPP sa mga proyektong balót ng korapsyon at kontrobersya. Nagsumite ang Westinghouse Electric ng hindi detalyadong proposal na may halagang 500 milyong dolyar para sa dalawang 620-megawatt reactors o planta. Ngunit nang matapos ng Westinghouse Electric ang pagtatayo sa BNPP noong 1984, umabot sa 2.2 bilyong dolyar ang naging kabuuang gastos upang makapag-generate ng 620 megawatts lang na kuryente. Naging triple ang project cost para sa kalahati ng inaasahang output. Nangyari ito dahil sa overpricing at korapsyon kung saan tumanggap ng 80 milyong dolyar na kickback mula sa proyekto si Marcos. Ilang dekada na ang lumipas mula nang matapos ang proyektong ito ngunit ni minsan ay hindi ito napakinabangan. Tunay nga ang paalala sa Mga Kawikaan 15:27, “Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan…”
Nang maging presidente si Cory Aquino taóng 1986, nagpasya ang kanyang administrasyong hindi patakbuhin ang planta dahil sa mga isyu ng korapsyon at kaligtasan lalo na pagkatapos mangyari ang Chernobyl nuclear fallout sa Russia noong taon ding iyon. Isa rin sa mga naging dahilan para hindi buksan ang BNPP ay ang lokasyon nito na malapit sa fault line at sa Mount Natib na itinuturing na isang potentially active volcano. Pinag-aralan din ng mga sumunod na administrasyon ang pagbubukas sa BNPP, ngunit dahil nga sa pinangangambahang peligrong dulot nito sa tao at kalikasan, hindi na ito pinaandar pa.
Ayon sa grupong Greenpeace, pinakamapanganib at pinakamahal na source ng kuryente ang nuclear power, kaya’t magiging pabigat lamang ito sa mga Pilipino. Malaki rin daw ang posibilidad na magdulot ito ng panganib sa kalusugan, pagkasira ng kalikasan, at kontaminasyon. Kung naghahanap din lang tayo ng tiyak na mapagkukunan ng enerhiya, matagal nang isinusulong ng mga environmental groups ang mga teknolohiyang nakagagawa ng mas malinis na enerhiya o iyong tinatawag na renewable energy.
Mga Kapanalig, tandaan natin ang binigyang-diin ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’ na hindi palaging nakatuon ang agarang pagbabago, katulad ng pagbubukas sa BNPP, sa ikabubuti ng lahat, at sa pangmatagalan at pangkabuuang pag-unlad ng tao. Isang bagay na kanais-nais ang pagbabago, ngunit nakababahala ito kung humahantong ito sa pagkasira ng daigdig at ng kalidad ng ating pamumuhay.