370 total views
Kapanalig, ayon kay Pope Francis, mula sa Evangelii Gaudium: Inequality is the root of all social ills. At sa panahon natin ngayon, mas dama natin ang inequality o di pagkapantay-pantay sa ating lipunan. Nakita natin na ang mahirap ay lalong naghirap sa harap ng pandemya, at mas maraming mga mayayaman ang mas naging komportable at mas gumanda pa ang buhay kahit na sunod sunod ang lockdowns sa ating bansa. Nakita rin natin sa global na lebel, mas mabilis naka-access sa mga bakuna at sa mga gamot na magbibigay ginhawa at lunas sa mga simtomas ng COVID 19 ang mas mayayaman na bansa,.
Ang nakakalungkot kapanalig, tila tinuturo pa natin sa ating mga kabataan na ang hindi pagka-pantay-pantay sa lipunan ay isang normal na pangyayari. Ito ay dahil nakikita mismo ng mga bata na ang dekalidad na edukasyon sa ating bansa ay kadalasang natatamasa lamang ng mga may kaya sa ating lipunan.
Nitong 2020 nga, bumaba ng 25% ang enrollment rates. Maraming pamilya ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya kaya’t maraming di nakapag-enroll. Ang iba naman, dahil nga online mode of learning ang naging patakaran, hindi na rin nakapag-enroll dahil wala naman silang internet o gadget. Bago pa man magpandemya, problema na ang dami ng out of school youth, dumami pa ito dahil sa pandemya. Ang kahirapan talaga ay malaking balakid sa pag-aaral ng maraming estudyanteng Filipino.
Makikita ang epekto ng kawalan ng access sa de kalidad na edukasyon sa dami ng atin mga talents at mahuhusay na workforce. Ayon sa MD World Talent Ranking 2021 report, ang ating bansa ay pang 57th sa 64 economies, bumaba pa mula sa 48th (out of 63) noong 2020. Ang IMD World Talent Ranking, kapanalig, ay nagsusuri kung paano dine-develop ng isang bansa ang kanilang domestic talent pool upang mapunan ang demand para sa manggagawa sa merkado.
Sana magbago na ito, kapanalig. Sa lawak ng inekwalidad sa ating bayan parang nasanla na rin natin ang kinabukasan ng ating bayan at ng susunod na henerasyon. Dahil hinayaan nating lopsided o tabingi ang access sa mga batayang serbisyo ng ating bayan, gaya ng edukasyon, tayo mismo ang nagpapalaki at nagpapatagal ng mga problema sa ating bansa. Tayo ang nagpapa-ikot ng “vicious cycle of poverty.”
Sana ngayon unti-unti nating binabangon ang ating ekonomiya, siguraduhin na nating inklusibo ang ating mga polisiya at patakaran. Ang pagkapantay-pantay ng lahat ay sya sana nating maging pamantayan at adhikan sa buhay. Huwag sana natin hayaan may maiiwan pa sa laylayan. Nakita naman natin na p ag nadehado ang ilan sa atin, buong bayan din ang magbabayad.
Sumainyo ang Katotohanan.