414 total views
Gamiting pagkakataon ang panahon ng Kwaresma upang pagnilayan ang magiging desisyon sa nakatakdang halalan sa Mayo.
Ito ang panawagan ni Diocese of Iba, Zambales Bishop Bartolome Santos sa lahat ng mga Kristiyano kaugnay sa makabuluhang paggunita ng Kwaresma kasabay ng panahon ng halalan sa bansa.
Ayon sa Obispo, isang magandang pagkakataon ang Kwaresma upang ganap na mapagnilayan ng bawat isa kung sino ang mga karapat-dapat na ihalal na maghahatid ng tunay na kasaganahan at kabutihan sa lahat.
Sinabi ni Bishop Santos na dapat gawing huwaran ng bawat isa ang Panginoon na isinugo ang kanyang bugtong na Anak na si Hesus para sa kabutihan at kaligtasan ng lahat.
“Sa panahon po ng Kwaresma mga kapatid, pagnilayan po nating mabuti kung ano po ang direksyon ng ating bansa, ano po ang direksyon ng ating pagpili (ng ihahalal sa darating na eleksyon), ito po ba ay papunta sa ikabubuti ng lahat ang Diyos po ay nagmahal para sa lahat, isinugo at hinayaan niyang ang kanyang bugtong na anak ay mamatay para sa ating lahat kaya ang pagpili po natin sa darating na eleksyon ay dapat po para sa ikabubuti ng lahat,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang mga Filipinong Kristiyano ay hindi lamang mga simpleng botante kundi alagad ng Panginoon na nagsusulong sa kanyang mga turo at aral sa lipunan.
Iginiit ni Bishop Santos na bahagi ng tungkulin ng mga Kristiyano ang paninindigan para sa kabutihan ng mas nakararami at pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos para sa kanyang bayan.
“Ano po ba talaga ang kalooban ng Diyos kapag sinunod natin, ano po ba yung kalooban ng Panginoon kapag tiningnan po natin at inilapat sa paraan ng ating pagpili ng mamumuno sa atin, tayo po ay mga Kristiyano hindi po tayo mga simpleng Filipino lang, mas marami pong mga Kristiyanong Filipino ngunit hindi ko po inaalis ang ibang kapatid natin sa ibang pananampalataya at sa ibang relihiyon,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Inihayag ng Obispo na higit na mahalagang pagkakataon ang panahon ng Kuwaresma para sa mga Filipino ngayong taon na naaangkop sa paghahanda para sa papalapit na halalan.
Kaugnay nito, patuloy na pinapaigting ng Simbahan ang panawagan para sa One Godly Vote o pakikilahok ng bawat isa sa kabuuang proseso ng halalan sa pamamagitan ng gabay ng mga panlipunang turo ng Simbahan.
Kabilang sa voters education campaign ng One Godly Vote Campaign ng media arm ng Archdiocese of Manila ay ang Catholic E-Forum na layong tulungan ang mga botanteng kilalanin ang mga kandidato sa nakatakdang halalan.