427 total views
Naniniwala si Davao Archbishop Romulo Valles na malaki ang tungkuling gagampanan ng mga kabataan sa nalalapit na 2022 national and local elections sa Mayo.
Ayon sa Arsobispo, dapat mabigyan ng sapat na kaalaman ang kabataan sa kahalagahan ng wastong pagpili ng mga pinuno na magtataguyod sa kabutihan ng nakararami.
“The youth will play a significant role in the upcoming national and local elections. Therefore, it is right and just that they must be provided adequate guidance and formation,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Valles.
Magkakaroon ng Youth Circles Discernment (YCD) ang Arkidiyosesis sa pangunguna ng Davao Archdiocesan Youth Coordinating Apostolate (DAYCA) upang paigtingin ang kamalayan ng kabataan sa tamang pagboto.
Nauna nang sumailalim sa pagsasanay ang Ad Hoc Committee ng grupo para maging gabay sa iba’t ibang youth groups sa mga parokya at mapabilis ang pagpapatupad ng programa bago ang nakatakdang halalan sa Mayo 9.
Katuwang ng DAYCA ang Davao Archdiocesan Political Education Committee sa pagpapatupad ng programa kasama ang Davao Association of Catholic Schools.
Hiling din ni Archbishop Valles sa mamamayan amg patuloy na pananalangin para sa ikatatagumpay ng programa.
“I ask for your blessing and assistance in conducting Youth Circles of Discernment in your parishes, GKKs, and other youth organizations,” dagdag ng Arsobispo.
Sa datos ng Commission on Elections (COMELEC) halos 60-porsyento sa mga botante ay mula sa sektor ng kabataan.
Para sa karagdagang detalye maaring makipag-ugnayan kay Fr. Cristopher Alcayde (Youth Director) at Mary Ann Almeria (Youth Coordinator) sa cellphone number 0930-3144132.