369 total views
Mga Kapanalig, isang magandang balita ang sumalubong sa mga bata at mga nagsusulong ng karapatang pambata noong nakaraang linggo. Pinirmahan na ni Pangulong Duterte ang panukalang batas na magtataas sa edad ng pagturing sa statutory rape sa ating bansa. Mula sa dating 12 taong gulang, itinaas na ito sa 16 na taong gulang. Ito ang tinatawag na “End Child Rape Law”.
Ano ang magagawa ng batas na ito para sa mga bata?
Ayon sa United Nations Children’s Fund (o UNICEF), isa ang Pilipinas sa may pinakamababang edad kung saan ipinagpapalagay na maaari nang pumayag o magbigay ng pahintulot na makipagtalik ang isang bata. Bago maisabatas ang End Child Rape Law, ang edad ng sexual consent sa ating bansa ay mas mataas lamang ng isang taon mula sa 11 taong gulang sa bansang Nigeria. Bakit nga ba napakababa ng edad kung kailan ipinagpapalagay na nating kaya nang magdesisyon ng isang bata kung nais niyang makipagtalik, samantalang dapat na 18 taóng gulang ang isang tao upang makaboto at 17 taóng gulang naman upang makakuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Batay sa pag-aaral ng UNICEF at Center for Women’s Resources noong 2015, pito sa bawat sampung biktima ng panggagahasa sa Pilipinas ay mga bata. Nalaman din sa pag-aaral na isa sa bawat limang batang edad 13 hanggang 17 taóng gulang ay nakaranas ng sekswal na karahasan, habang isa sa bawat 25 bata ang biktima ng rape. Lubhang nakababahala ang mga datos na ito, ngunit ang mas nakababahala ay ang paulit-ulit na pangangailangang ikuwento ng mga batang biktima ang kanilang karanasan sa harap ng hukuman upang patunayan lamang na sila ay pinagsamantalahan at inabuso.
Sa ilalim ng End Child Rape Law, ang pakikipagtalik ng sinumang adult sa batang wala pang 16 na taóng gulang ay awtomatikong ituturing na statutory rape. Pantay din ang pagtingin nito sa mga batang babae at lalaki, sapagkat hindi mas mabigat ang ipinapataw nitong kaparusahan sa mga nang-abuso sa mga batang babae. Patunay itong anuman ang kasarian ng isang bata, kinakailangan siyang bigyan ng pinakamataas na antas ng proteksyon.
Isa pang mahalagang probisyon ng batas na ito ay ang tinatawag na “sweetheart” o “Romeo and Juliet” provision. Kinikilala ng probisyong ito na kahit na nakikipagtalik na ang kabataan sa murang edad, hindi sila dapat parusahan o ituring na kriminal dahil sa kanilang ginawa. Kung ang edad sa pagitan ng babae at lalaking nagtalik ay tatlong taon, at kung ito ay consensual (o parehas nilang gusto), non-abusive (o hindi abusado), at non-exploitative (o walang nagsasamantala), hindi ituturing na statutory rape ang naturang relasyon. Linawin nating hindi ibig sabihin nito ay kinukunsinti na natin ang ganitong relasyon, ngunit hindi rin tamang ituring na kriminal ang mga batang may sekswal na relasyon sa kapwa nila bata.
Ang ating Santa Iglesia ay kumikilala sa pangangailangang baguhin ang isang lipunang kumakanlong sa isang culture of death, kasama na rito ang pagsasamantala sa mga bata. Ayon sa Santo Papa, kailangan nating bumuo ng isang ligtas na kapaligiran para sa mga bata. Ang pang-aabuso sa mga bata ay pagtraydor sa ibinibigay nilang tiwala, at ang biktima ang pangunahing nagdurusa. Bilang mga nakatatanda, tungkulin nating protektahan ang mga bata. Isang paraan, ayon sa Santo Papa, ay ang pagsusulong ng edukasyon at kaalaman upang labanan ang pang-aabuso.
Mga Kapanalig, mabibigyan natin ng proteksyon ang mga bata sa tulong ng End Child Rape Law. Sa pamamagitan nito, magagawa natin ang paalala sa Mga Kawikaan 19:18 na hindi magtulak sa pagkawasak ng ating mga anak. Bilang mga nakatatanda, sundin natin ang halimbawa ni Hesus sa pagtatanggol sa mahihina, gaya ng mga bata.