208 total views
Kapanalig, ang fisheries ay isa sa mga sektor na nahihirapan ngayon sa ating bansa. Patuloy na bumababa ang huli ng mga mangingisda, at patuloy din lumiliit ang kanilang kita.
Ayon sa opisyal na datos, ang produksyon ng sektor ay umabot ng 4,415 thousand metric tons nong 2019, bumaba ito sa 4,400 thousand metric tons noong 2020, at naging 4250.79 thousand metric tons na lamang nitong 2021. Ang naging growth ng sektor nitong nakalipas na tatlong taon ay pababa rin – 1.35 noong 2019, -0.3 noong 2020, hanggang naging -3.4% nitong 2021.
Ang sektor na ito, kung titingnan ang kanyang growth rate, ay naghihingalo na. Taon-taon, pababa ng pababa ang kanyang produksyon at marahil, magtutuloy-tuloy ang ganitong trend dahil malalaki ang mga hamon na hinaharap ng sektor.
Ang ating mga karagatan, kapanalig, ay overfished na, at inaagaw pa ng ng ibang bansa. May mga kaso rin ng illegal fishing. Nasisira na rin ang habitat o tirahan ng ating mga isda. At sa gitna ng lahat ng ito, tumataas din ang demand para sa isda.
Ang climate change ay isa rin sa pinaka-malaking problema ng mga mangingisda. Ang klima, kapanalig, ay isa sa pangunahing nagtatakda ng dami o populasyon ng isda. Ang pagbabago sa klima ay malaki ang epekto sa distribusyon at at produktibidad ng iba ibang species. At dahil isa ang ating bansa sa mga bulnerable sa climate change, nangaganib ang ating fisheries sector.
Ang mga problema ng sektor ay kailangang agarang harapin. Ang ating bansa ay isa sa mga mahalagang fishing countries sa buong mundo. Karaniwang nasa top 10 tayo sa buong mundo bilang producer ng marine capture.
Isang irony o kabalintunaan na kinikilala ang marine products natin sa buong mundo pero ang mga mangingisda ng bayan ay patuloy naman naghihirap. Tinatayang nasa P262 kada araw ang kinikita ng mangingisda – mas maliit pa sa minimum wage.
Ang maliit na kita na ito ay walang espasyo para sa resilience o para sa krisis, na katuwang na ng buhay mangingisda. Kung nais natin iangat ang sektor kasama na ang manggagawa nito, kailangan natin tiyakin hindi lamang ang kanilang mas maayos na kita sa kasalukuyan, kundi pati ang sustainability ng sektor ng kanilang kinabibilangan.
Kapanalig, ang kahirapan sa fisheries sector ay nagiging cyclical na o umiikot na lamang. Namamana at naipapasa na ito sa buong pamilya. Kahit anong kayod, pahirap pa rin ng pahirap ang kanilang buhay. Ang “A Place at the Table” ng US Catholic Bishops ay may saktong paalala tungkol sa ganitong sitwasyon: Work should not leave people poor but should provide wages sufficient to achieve a standard of living that is in keeping with human dignity.
Sumainyo ang Katotohanan.