1,004 total views
Iginiit ni Attorney Aaron Pedrosa, executive secretary ng SANLAKAS na napapanahon na upang baguhin ang nilalaman ng Philippine Mining Act of 1995.
Ito’y dahil magmula nang naisabatas ang Mining Act noong 1995 ay mas dumami pa ang mga kumpanyang namumuhunan sa bansa upang makapagsagawa ng operasyon ng pagmimina.
Ayon kay Pedrosa, hindi lubos na ginagampanan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang mga tungkulin na pangalagaan ang kalikasan at sa halip mas pinairal ang pansariling interes nang hindi iniisip ang kahihinatnan ng kapaligiran at ng taumbayan.
“Mula noong naisabatas ang Mining Act of 1995, imbes na sentral ang tungkulin ng DENR sa pagtitiyak na pinangangalagaan ang kalikasan, ito pa ang nagtutulak o tila ba nagtuturo sa kung saan maganda magmina, dito talo ang taong bayan,” pahayag ni Pedrosa.
Sinabi pa ng abogado na hindi rin tugon sa krisis na idinulot ng COVID-19 pandemic ang muling pagpapahintulot sa industriya ng pagmimina dahil maliit na porsyento lamang ang naiaambag nito sa ekonomiya ng bansa.
“Walang mahita ang taong bayan sa Philippine Mining Act, wala pang dalawang porsyentong [Gross Domestic Product] ang kinikita mula sa pagmimina at ngayon ginawa pa itong cornerstone policy sa ilalim ng Administrasyong Duterte para sa kuno pagtugon sa krisis ng coronavirus,” dagdag ni Pedrosa.
Panawagan din ni Pedrosa na dapat panagutan nina Pangulong Rodrigo Duterte at dating DENR Secretary Roy Cimatu ang mga ipinapatupad na polisiyang higit na nagdudulot ng kapahamakan at pinsala sa kapaligiran.
Magugunita noong Setyembre 2017 nang ipag-utos ng dating DENR Secretary at yumaong si Gina Lopez ang pagpapasara at pagpapahinto sa mining operations ng nasa 28 na mining companies dahil sa paglabag sa environmental standards at Mining Act.
Samantala, Disyembre 2021 nang bawiin ng Administrasyong Duterte ang nationwide ban on open-pit mining na muling nagpahintulot sa mga makapangyarihang kumpanya na ipagpatuloy ang pagmimina sa bansa.
Sang-ayon sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, mariin nitong tinututulan ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa labis pang paghihirap ng mamamayan.