224 total views
Homiliya Para sa Huwebes ng Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, Ika-24 ng Marso 2022, Lk 11:14-23
Ito na siguro ang pinakamatinding Kuwaresmang naranasan ko sa buong buhay ko. Dati, parang ritwal lang ang paglalagay ng abo sa noo sa simula ng Kuwaresma. Itong taóng ito, dumagsâ ang mga tao sa simbahan, napuno pati ang mga patio at mga kalsada. Matapos na maging abo ang marami sa mga mahal natin sa buhay na namatay dahil sa Covid19 at na-cremate, biglang nagkaroon ng matinding kahulugan ang abo.
Lalo pang tumindi ang kahulugan nito nang totohanin ng Russia ang paglusob nito sa Ukraine at biglang nagkatotoo ang matinding peligro na baka nga pumutok ang isang Third World War. At kapag nagka-iringan ang mga world powers sa pagpapasabog ng nuclear weapons sa mga kalaban nila, baka sa isang iglap ay pulbusin nila ang isa’t isa at gawing abo ang buong mundo.
Kahapon naramdaman ko ang paghihinagpis ni Pope Francis sa kanyang Wednesday public audience sa Roma. Tinawag niyang isang KABALIWAN ang giyera. Kitang-kita sa kanyang mukha at sa mga malalalim na buntong-hininga niya ang matinding pagkabahala sa takbo ng mga pangyayari sa daigdig na tila ba wala nang makapipigil.
Parang siya si Moises sa ating unang pagbasa—walang magawa sa katigasan ng puso ng bayang Israel. Para daw silang mga hibang, mga wala sa sarili, mga sarado ang tainga sa tinig ng Diyos. Mga ayaw magpasaway, ayaw magpagabay, tumalikod sa Diyos at gumawa ng sariling lakad na ang direksyon ay patungo sa bangin ng kapahamakan.
Naalala ko tuloy iyong isang linyang kinakanta natin sa BAYAN KO. Ngayon, ang para bang naiiisip kong kumakanta ay hindi ang bayan kundi ang Diyos. Siya ang umaawit sa kanyang bayan at nagsasabing, “BAYAN KO, BINIHAG KA“. Pwedeng palitan ang binihag sa binulag: BAYAN KO, BINULAG KA, NASADLAK SA DUSA.” Di ba parang mas akma sa atin?
Ganito rin ang datíng ni Hesus sa ebanghelyo—mabuti na ang ginagawa, masama pa rin ang nakikita ng mga taong ayaw maniwala sa kanya. Ang Espiritu Santo ang kumikilos sa mga taong napapagaling ng kanyang haplos, pero dimonyo pa rin ang kanilang nakikita. Ni wala na silang kakayahang kumilatis ng mabuti at masama, ng mali at tama.
Nakakatakot ang warning ni Hesus sa may dulo ng ebanghelyo. Parang ganito rin ang pahiwatig ni Pope Francis kahapon sa mga bansang nag-aakalang mga armas ang magbibigay sa kanila ng proteksyon, o mga sandata ang magbibigay sa kanila ng kapayapaan.
Pwede nating i-paraphrase nang kaunti ang sinabi niya, “Kung akala mo malakas ka dahil marami kang mga armas, tangke, mga fighter jetplanes at mga missiles, baka magulat ka na lang kapag biglang sinakop ka ng isang bansang mas makapangyarihan sa iyo—na bukod sa armas, tangke, jetplanes at missiles, ay meron pang nuclear at biochemical weapons of mass destruction.
Dahil hindi na makuha sa dimplomasya at negosasyon ang solusyon sa giyera, kumambyo si Pope Francis. Ibang klase nang giyera ang kanyang pinaghahandaan. Ito yung tinawag ko kahapon na “spiritual warfare”. Bukas, March 25, Feast of the Annunciation o Pagbati ng anghel kay Mama Mary, pamumunuan niya mula sa Roma ang lahat ng mga diocese at parokya sa buong daigdig upang i-consecrate ang Russia at Ukraine kay Mama Mary, ang ating prayer warrior number one.
Kahit parang malayo sa atin ang Russia at Ukraine, damay tayong lahat sa gulong ito. Kaya kailangan tayong lumaban sa ibang klaseng labanan. Sabi nga ni San Pablo sa Ephesians 6:12, “Ang kalaban natin ay hindi tao kundi mga masamang espiritu (na kumikilos sa) mga pinuno, mga may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito.”
Gagawin natin ito sa Cathedral bukas sa ating Misang 6pm na susundan ng isang paglalamay pagkatapos ng Misa sa Eucharistic vigil hanggang 1am. Sana ho magsama-sama tayo.
Mga kapatid, ang nangyayari ngayon sa Ukraine ay pwede ring mangyari sa atin sa Pilipinas. Tatlong beses na tayong sinakop ng mga dayuhang bansa—mga Espanyol, mga Amerikano at mga Hapon. Kung ano ang Ukraine sa Russia, ganyan ang Taiwan sa China. At hindi naman lingid sa atin na nakaabang na rin ang China sa may bakuran natin sa may West Philippine sea kung saan nagtayo na sila ng mga military installations.
Ipagdasal din natin sila bukas. Ipagdasal natin na hindi humantong ang tensiyon na ito sa pagkakampi-kami nila. Ipanalangin na hindi mamayani sa kanila ang tikisan, ang takutan, hamunan, at tagisan ng armas at lakas militar dahil sa mga pangamba tungkol sa seguridad.
Isama na rin natin sa ating panalangin bukas ang nalalapit na eleksyon. Hingin natin nang marubdob sa Diyos na bigyan niya ang mga Pilipino ng karunungan at kakayahang pumili ng nararapat na lider para sa ating bayan na magbibigay sa atin ng tamang direksyon sa panahong ito ng matinding krisis na pandaigdigan.
Hilingin natin sa bisa ng panalangin ng ating Mahal na Ina at sa pamamagitan ni Hesukristong ating Panginoon, managumpay sa daigdig ang Espiritu ng kabutihan laban sa puwersa na kasamaan, na sa ngalan ni Hesus mapalayas natin ang mga dimonyong nagpapabingi at bumubulag sa mga mamamayan sa lahat ng mga bansa lalo na sa pamamagitan ng social media.
Ipakiusap natin na mabuksan ang mga puso ng sangkatauhan upang marinig ang tinig ng Diyos at makita ang kamay na aakay sa atin patungo sa isang mundong mas payapa, sagana at mabiyaya.