515 total views
Mariing tinututulan ng Diyosesis of Pasig ang pagtatayo ng Pasig River Expressway (PAREX) sa kahabaan ng ilog Pasig.
Sa inilabas na Pastoral Statement, sinabi ni Bishop Mylo Hubert Vergara na ang PAREX project ay magdudulot ng pinsala hindi lamang sa Ilog Pasig, kundi maging sa mga komunidad, kultura at kalikasan sa buong Metro Manila.
“We do not need another project like an expressway in order to be called a “livable city” that will cause harm and death. PAREX is not a solution to ease the traffic but will worsen our future,” pahayag ni Bishop Vergara.
Iginiit ni Bishop Vergara, vice president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na kapag natuloy ang PAREX project ay higit nitong maaapektuhan ang natural na sistema ng Ilog Pasig.
Dagdag pa ng Obispo na ang usok na magmumula sa mga sasakyan ay lalo lamang makadaragdag sa polusyon sa hangin habang ang isasagawa namang dredging sa ilog ay maaaring magdulot pa ng mas matinding pagbabaha.
“Dredging is not a remedy for flooding; it can make flooding worse. It can also make water quality worse by releasing buried toxins. Dredging is therfore a flase solution,” ayon sa Obispo.
Ilan pa sa mga suliraning binigyang-pansin ng obispo ay ang magiging epekto nito sa kalusugan ng mga tao dahil sa polusyon, at ang pagkaubos ng “green public spaces” sa kalakhang Maynila.
Mararanasan din dito ang “urban blight” sa mga komunidad at establisyimentong nakapaligid sa ilog dahil matatakpan ito ng expressway na siya namang makakabawas sa oportunidad para sa pag-unlad, trabaho at hanapbuhay.
Tinukoy din ni Bishop Vergara ang epekto nito sa Disaster Risk and Emergency Response sa Metro Manila sa oras ng mga sakuna at epekto nito sa kultura lalo na sa bahagi ng Intramuros sa Maynila kung saan matatakpan ang iba’t ibang makasaysayang gusali.
“We should not allow PAREX to erase our river of memory and to kill the river of life forever!,” giit ng Obispo.
Ang PAREX na may habang 19.37 kilometro ay popondohan ng San Miguel Corporation na nagkakahalaga naman ng P95-bilyon.