392 total views
Ito ang mensahe ni Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa nagaganap na iba’t-ibang uri ng karahasan sa mundo.
Ayon sa Obispo, ang Diyos ang gumagawa ng mga hakbang upang pagbuklurin ang sangkatauhan kaya’t nararapat lamang na gawing sentro ang Panginoon sa pamayanan.
“A godless society cannot bring about human brotherhood. Sa ating ebanghelyo ang nagsisikap na pag-isahin ang pamilya ay ang tatay. Magkakaisa tayo bilang magkakapatid kung tayo ay lalapit sa tahanan ng Ama,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Tinukoy ng Obispo ang kasalukuyang kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine na dulot ng hindi pagkakasundo at pananakop sa maliliit na bansa.
Binigyang-diin ni Bishop Pabillo na walang kapayapaan kung walang pagkakasundo sa pamayanan at bukod tanging pakikipagkasundo ang makapipigil sa pagdanak ng dugo.
“Ipinadala ng Diyos ang kanyang anak upang magkaroon ng pakikipagkasundo dito sa mundo, pakikipagkasundo ng mga tao sa isa’t-isa at pakikipagkasundo ng mga tao sa Diyos. Magkakaroon ng pakikipagkasundo kung may kapatawaran,” saad pa ni Bishop Pabillo.
Kaugnay nito, muling hinimok ng opisyal ang mananampalataya na gawing makabuluhan ang panahon ng kuwaresma sa pakikipagkasundo sa kapwa tungo sa mapayapang komunidad.
Noong March 25 nakiisa ang mga simbahan sa Pilipinas sa isinagawang Pagtatalaga sa Russia at Ukraine sa Kalinis-linisang Puso ni Maria na pinangunahan ni Pope Francis.
Bago ang pagtatalaga isinagawa ang Sakramento ng Kumpisal tanda ng taos-pusong pagbabalik-loob sa Panginoon at pagsisisi sa mga kasalanan.
Sa Archdiocese of Manila pinangunahan ito ni Cardinal Jose Advincula kasama si Papal Nuncio to the Philippines Arcbishop Charles John Brown na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa.