467 total views
Umaasa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na maging gabay si Hesus sa pagpapasya lalo na sa nalalapit na 2022 national and local elections.
Sa liham pastoral ni CBCP President, Kalookan Bihop Pablo Virgilio David, binigyang-diin na ang pagbabago sa pulitika ng bansa ay magsisimula sa pagbabago ng mamamayan.
Ayon sa Obispo, ang pagpapanibago ng tao ay makakamit sa paghingi ng paumanhin sa pagkakasalang nagawa laban sa Diyos at sa kapwa.
“Ang pagbabago ng ating pulitika ay nangangailangan ng pagbabago ng puso, ugali at mga prayoridad. Ito rin ang panawagan ng Kuwaresma: ang pagbabago ng puso at pagbabalik-loob sa Diyos. Nawa ang ating pagsunod kay Jesus, ang Salitang Nagkatawang-Tao (Word made Flesh), ang siyang magsilbing gabay at liwanag sa ating pagpapasya at pagkilos,” bahagi ng liham pastoral ni Bishop David.
Iginiit ng opisyal na matatamo ng Pilipinas ang maayos na pamahalaan sa pamamagitan ng pagmamalasakitan ng bawat Filipino lalo na sa mahigit 60-milyong botante na makilahok at magpahayag sa paraaang makatarungan at mapayapa sa darating na halalan.
Sinabi ng Oispo na kung manatiling mababa ang pagtingin at pagkilos sa pulitika ay hindi ito magbubunga ng pag-unlad sa uri ng pamamahala sa bansa dahil mananaig ang pansariling interes ng mga mamumuno sa bayan.
Ipinaalala ni Bishop David sa mamamayan na mahalaga ang halalan sapagkat ito ay pagpapasya ng bayan para sa mga mamumunong magsusulong sa pag-unlad ng lipunan na may paggalang sa karapatang ng bawat isa.
“Ang kapakanan ng bayan ay responsibilidad nating lahat. Lahat tayo, botante man o hindi, ay may mahalagang papel na gampanin. Lahat tayo ay may mai-aambag sa kapakanan ng bansa,” giit ni Bishop David.
Iminumungkahi ng C-B-C-P na ipagpatuloy ang circles of discernment at voter’s education upang mabigyang pagkakataon ang mga botante na kilatising mabuti ang mga kandidato at ang kanilang mga plataporma.
Apela naman ni Bishop David sa mga kandidato, botante, sa mga mangangasiwa ng halalan at sa iba’t ibang civic, religious at sectoral groups na magkaisang isulong ang matapat at malinis na halalan para sa kapakinabangan ng sambayanang Filipino.
“Muli kaming nanawagan sa mga kandidato, sa kanilang mga partido at tagasuporta; sa mga Civic clubs, sa iba’t ibang sektor ng lipunan – lalo na ang mga Kabataan, sa ating Pamahalaan, mga Ahensya at Sangay ng Gobyerno (pambansa at lokal), Non- Government Organizations, sa Military at Educational institutions, sa mga Parish at Barangay Pastoral Councils, BEC’s, Church Organizations at Associations, Religious Congregations at Movements, sa COMELEC, Board of Election Inspectors, SMARTMATIC, sa PPCRV, NAMFREL at sa ibang pang Election Watchdogs at volunteers, sa Media (local at international), Brothers and Sisters of other Faiths – magtulungan tayo sa pagmamatyag at pagsusumikap na tiyaking malinis, mapagkakatiwalaan, makatotohanan, makahulugan, mapayapa, ligtas at patas ang halalan (Clean, Honest, Accurate, Meaningful and Peaceful [CHAMP]; Safe, Accurate, Fair Elections [SAFE]),” ani Bishop David.