456 total views
Pinalawak ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang paggabay sa mga botante sa pamamagitan ng pagbabahagi sa social media ng voter’s education.
Ipinaalala ng obispo na dapat suriing mabuti ng mamamayan ang kalidad at karakter ng mga kandidatong nais mailuklok sa mahahalagang posisyon sa lipunan.
Iginiit ni Bishop Uy na mahalaga ang matalinong pakikilahok sa halalan na isang sagradong gawain para sa kinabukasan ng bayan.
“5 C’s to look for in a candidate: Conscience, Credibility, Competence, Commitment, Compassion,” bahagi ng mensahe ni Bishop Uy.
Patuloy ang isinasagawang ‘circles of discernment’ ng mga parokya sa lahat ng diyosesis sa bansa para bigyang gabay ang mananampalataya sa wastong pagpili ng mga lider ng bayan.
Sa liham pastoral ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, iminungkahi nitong mag-demand ng ‘accountability’ at ‘transparency’ sa mga kandidato, namumuno at maging sa bawat isa para sa patas na halalan.
Hinimok din ng mga obispo sa Pilipinas ang mamamayan na maging mapagmatyag at punahin ang mga kandidatong gagamit ng dahas, kapangyarihan at salapi sa nalalapit na national and local elections.
Read:
Pagbabago sa pulitika nagsisimula sa pagbabago ng mamamayan – CBCP President
Bukod sa circles of discernment ay pinaiigting ng Archdiocese of Manila sa pangunguna ng media arm na Radio Veritas 846 ang ‘One Godly Vote’ campaign kung saan inilahad ng mga kandidato ang kanilang mga plataporma na makatulong sa mga botanteng kilalanin ang karakter ng mga magpapapili sa halalan.