445 total views
Kinondena ng Federation of Jeepney Operatos and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) ang hindi pamamahagi ng mga operator sa kanilang jeepney drivers ng fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Kasunod ito ng pag-uulat ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) sa reklamo ng mga drivers.
Iginiit ni Ricardo Rebaño, Pangulo ng FEJODAP na mali at hindi makaturungan ang hindi pamamahagi ng mga operator sa 6,500 pesos na fuel subsidy na nakalaan para sa mga drivers.
“Mali po yun kasi ang subsidy na yan ay para sa driver dahil sila ang bumibili ng krudo sa gasoline station,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Rebaño.
Umaapela naman ang Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) ng malinaw na sistema kung saan maaaring kukuhain ng mga driver ang fuel subsidy.
Ipinaalala ni Liberty de Luna, ACTO National President, na dapat munang magkaroon ng QR codes mula sa pamahalaan ang mga kwalipikadong drivers bago makatanggap ng ‘Pantawid Pasada Program Cards’ na siyang paglalagyan ng financial subsidy.
“Sa mga wala pang tawid pasada cards at dapat po my QR code bukas po ililinya nila nakapagrehistro po sila 2022,” ayon sa mensaheng ipinadala ni de Luna sa Radio Veritas.
Ang Pantawid Pasada Program ay ang programang inilunsad ng pamahalaan na magbibigay ng tig 6,500 pesos na fuel subsidy sa mga drievr upang maibsan ang pasakit ng napakataas na presyo ng gasolina.
Ang unang tranche na 2.5-bilyong pisong pondo ay hahatiin para sa 377, 443-libong PUV drivers.
Kabilang din sa benepisaryo ng fuel subsidy ang mga driver ng UV express, mini buses, bus shuttle services, taxi’s, tricycles, TNVS, motorcycle taxi’s at delivery services.
Una ng nanawagan ng ang Catholics Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ipawalang-bisa ang Oil Deregulation Law upang maibalik sa pamahalaan ang pagtatalaga ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon pa kay Father Jerome Secillano, CBCP Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary, napapanahon na ring ipatupad at pagtibayin ang mga polisiyang tutulong sa mga mamamayan.