431 total views
Pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang ‘Solidarity Mass for the Moral Choice’ na layong ipanalangin ang malinis at matapat na halalan sa darating na Mayo.
Sa liham sirkular ni Archdiocese of Manila Chancellor Father Isidro Marinay ito ang tugon ng arkidiyosesis sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pastoral letter na ‘Be Concerned about the Welfare of Others’.
Una nang nanawagan ang mga obispo sa mamamayan na magkaisa sa pananalangin para maayos na halalan at mailuklok ang mga karapat-dapat na lider ng bayan.
“Our bishops exhort us to ‘continue praying, doing good to our neighbor, offering sacrifices and begging God for the grace of a credible, peaceful and successful election for our common good’,” bahagi ng liham sirkular.
Gaganapin ang misa sa April 6, 2022 sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o Baclaran Church sa alas 9:30 ng umaga.
Inaasahang dadalo sa pagtitipon ang mga pari, relihiyoso at mga layko na sakop ng Metropolitan Province of Manila.
Ihahatid naman ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang pagninilay sa nasabing misa.
Patuloy na apela ng simbahan lalo na sa mahigit 60-milyong botante ang aktibong pakikilahok sa halalan na ibayong paggalang at pagsaalang-alang sa kapakanan at karapatan ng bawat isa tungo sa kabutihan at pag-unlad ng bansa.