594 total views
Itinuring na lugar ng pagpapanibago ang Capelinha de Fatima Replica na itinatag sa San Remigio Cebu.
Ito ang pahayag ni Msgr. Ruben Labajo, Vice chairman ng Tres Pastorinhos de Fatima Foundation Inc. at Spritual Director ng World Apostolate of Fatima sa nakatakdang pagtatalaga sa ikaapat na replica chapel ng Our Lady of Fatima at kauna-unahan sa Southeast Asia.
Ayon sa pari, magsisilbi itong lugar ng mga deboto ng Mahal na Ina at ipahayag ang pagiging Pueblo Amante de Maria ng mga Filipino.
“This will become a place of healing and conversion, a place for pilgrimage, a place where we can express our love and devotion to the Blessed Virgin Mary,” bahagi ng pahayag ni Msgr. Labajo.
Sa April 4 pormal na pasinayaan, basbasan at italaga ang replica chapel sa pangunguna ni Cebu Archbishop Jose Palma kasama ang mga pari, relihiyoso at mga deboto ng Mahal na Birhen.
Magandang pagkakataon din itong ipaalala sa bawat mananampalataya ang panawagan ng Mahal na Birhen na pagpapanibago ng bawat isa tungo sa mapayapang lipunan lalo na ang pagbabalik loob at pagtalaga sa Russia sa kanyang kalinga na isa sa mga tagubilin nang magpakita ito sa tatlong bata sa Fatima Portugal noong 1917.
“Conversion is the core message of Our Lady of Fatima when she appeared to the three children in Fatima Portugal,” ani ng pari.
Noong March 25 isinagawa sa mga simbahang sa buong mundo ang pagtatalaga sa Russia at Ukraine sa Kalinis-linisang Puso ni Maria sa pangunguna ni Pope Francis na layong ipanalangin ang pagwawakas ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa.
Binigyang diin ni Msgr. Labajo na kapaki-pakinabang sa mananampalataya ang pagbubukas ng replica chapel sa Cebu sapagkat hindi na kinakailangang dumayo ang mga Filipino sa Fatima Portugal para sa pilgrimage.
Hiniling ng pari sa mamamayan ang matagumpay na pagdiriwang kasabay ng apelang patuloy na ipanalangin ang kapayapaan ng sanlibutan at kaligtasan mula banta ng kalamidad at karamdaman sa tulong at gabay ng Mahal na Birhen.