216 total views
Kapanalig, kung hindi natin babaguhin ang ating mga nakagawian at business as usual pa rin ang takbo ng buhay sa mundo, ang kinabukasan ng sanlibutan ay maaring ma-peligro. Tinatayang aabot ng 1.7 degrees Celsius hanggang 3 degrees Celsius ang temperature ng mundo sa loob ng tatlong dekada. Kung mangyari ito, hindi kakayanin pa ng mga bulnerableng mamamayan at iba pang species—marami ang mamamatay.
Emergency na kapanalig, ang sitwasyon ng ating kalikasan ngayon. Kung wala tayong babaguhin, ang susunod na henerasyon, ang ating mga anak at apo, ang magdudusa.
Mas lalakas pa ang mga bagyong kanilang mararanasan. Mas dadalas at mas tataas pa ang mga bahang kanilang pagdudusahan. Mas iinit pa ang tag-init, at mas sasagad buto pa tag-lamig. Walang iba silang mundong mapupuntahan upang tumakas dito – iisa lamang ang ating planeta.
Kaya’t napakahalaga na malimita ng sandaigdigan ang global warming ng 1.5 degrees Celsius lamang. Kailangang malimita natin ang mga greenhouse gases o GHG sa ating kalawakan. Sa ngayon, ang sampung pinaka-malaking emitters ng GHG ay ang China, United States, European Union, India, Russia, Japan, Brazil, Indonesia, Iran at Canada.
Kung nakikilala niyo si Greta Thunberg, isang teenager na environmental activist – masigasig niyang pinaglalaban ang immediate action o agarang pagkilos ng mga bansa upang maprotektahan ang ating mga planeta. Marami ang bumabatikos sa kanya noon, pero kapanalig, ang kanyang ginagawa ay huwaran – pinaglalaban niya ang karapatan ng susunod na henerasyon na mabuhay sa isang mundong buhay at nagbibigay buhay.
Hanggang ngayon kapanalig, napakahirap tanggapin na tayo mismo ang pumapatay sa ating luntiang mundo. Hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi naniniwala sa climate change, at sa mga epekto nito na atin ng nararamdaman sa ngayon.
Kapanalig, kung iniisip natin na wala tayong dapat gawin laban sa climate change dahil hindi naman tayo ang nagbubuga ng napakaraming GHG sa mundo, nagkakamali tayo. Hindi man tayo ang pangunahing salarin, tayo naman ang pangunahing biktima. Ang ating bansa ay pang-apat sa buong mundo na pinaka-apektado ng climate change. Ang pinaka-madilim na kinabukasan ay naghihintay sa mga bansang gaya natin, kapanalig. Kaya kailangan masigasig din tayo, gaya ng mga environmental activists tulad ni Greta Thunberg.
Ayon sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good ng US Catholic Bishops, “At its core, global climate change is not about economic theory or political platforms, nor about partisan advantage or interest group pressures. It is about the future of God’s creation and the one human family.” Ang problema natin sa kalikasan ay hindi ukol sa politika, ukol ito sa buhay nating lahat. Kaya kailangan natin magtaya, dahil buhay natin at ng mga mahal natin ang nakataya.
Sumainyo ang Katotohanan.