200 total views
Mga Kapanalig, nang magsimula ang pandemya, lagi nating ipinagdarasal na matuklasan ng mga siyentipiko ang bakunang pipigil sa pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na COVID-19. Sa awa ng Diyos, bagamat mabagal, unti-unti namang nakakuha at nakatanggap ng mga bakuna ang ating bansa, sapat para mabakunahan ang mahigit 65 milyong Pilipinong target para makamit natin ang herd immunity.
Ngunit ngayon, nasisira at nasasayang lang ang mga bakunang mayroon ang bansa. Kahit pa kaliwa’t kanang pangangampanya ang pinagkakaabalahan ng mga pulitiko, dapat pa ring pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pangangampanya tungkol sa kahalagahan ng pagpapabakuna. Dagsa man ang mga tao sa mga campaign rallies, hindi ibig sabihing tapos na ang pandemya.
Ayon sa Department of Health, humigit-kumulang 45 milyong Pilipino pa ang kailangang maturukan ng COVID-19 booster shot, ngunit 12 milyon pa lamang ang nagpapabakuna nito. Ibig sabihin, nasa 33 milyong Pilipino pa ang kailangan pang mabakunahan. Maging sa Metro Manila na may pinakamataas na COVID vaccination rate, 30% lang ang nagpaturok ng booster shot. Sa mga pag-aaral at survey na ginawa ng DOH, nalamang hindi na raw nagpapa-booster shot ang ilan dahil naniniwala silang mayroon na silang sapat na proteksyon laban sa COVID-19 dahil sa fully vaccinated na sila. May ilan ding naniniwalang may natural immunity na sila mula sa coronavirus.
Sinabi na ng mga ekspertong humihina ang proteksyong ibinibigay ng mga bakuna pagkatapos ng ilang buwan, kaya’t inirerekomenda ang booster shot apat na buwan matapos ang pangalawang primary dose. Base rin sa mga pag-aaral, hindi garantisadong hindi na ulit magkakaroon ng COVID ang mga nabakunahan na, ngunit mas maliit ang tsansang mahawaan silang muli kumpara sa mga hindi bakunado. Kung sakali namang mahawa ang mga bakunado na, hindi magiging kasintindi ng sa walang bakuna ang mga sintomas.
Kinumpirma ng National Vaccination Operations Center noong nakaraang buwan na mayroong mga bakunang nag-expire na at malapit nang mag-expire sa mga darating na buwan. Ito raw ang mga bakunang donasyon ng ibang bansa at binili ng pamahalaan at pribadong sektor. Sa panahong nakararanas na naman ng surge o biglang-dami ng mga kaso ng COVID-19 sa mga kalapit nating bansa pati na sa Amerika at Europa, napakahalagang may karagdagang proteksyon ang bawat isa sa atin. Nakapanghihinayang ang mga bakunang nag-expire na, kaya hindi na dapat hayaang masayang pa ang mga bakunang mayroon ang ating bansa, lalo na’t marami pa rin ang hindi pa nakatatanggap ng kahit first dose ng COVID-19 vaccine. Maliban sa baón na sa utang ang Pilipinas para tustusan ang pantugon sa pandemya, mahigit dalawang taon na ring nahihirapan ang ating mga healthcare workers lalo na sa tuwing mayroong surge ng virus sa bansa.
Upang mapagtagumpayan ang pandemyang ito, kailangan nating makinig sa awtoridad at sa mga eksperto sa kalusugan at sumunod sa kanilang mga rekomendasyong magpabakuna. Kasabay nito, maging maingat tayo sa mga pagbabasa at pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa bakuna lalo na’t laganap ang fake news. Sa ganitong mga paraan, hindi lamang sarili natin ang ating pinoprotektahan, kundi pati ang mga kasama natin sa bahay at ang mga nakakasalamuha natin. Gaya ng pangaral sa mga taga-Filipos 2:4, huwag lang ang sariling kapakanan ang isipin kundi ang kapakanan din ng iba. Ganito rin ang sinasabi sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes: hindi sapat na pansariling kabutihan lang ang ating iniisip, dahil pananagutan ng bawat isa, ayon sa kanyang kakayahan at pangangailangan ng iba, ang isulong ang kagalingang panlahat.
Mga Kapanalig, malaki ang nakaatang na responsibilidad sa pamahalaang ipaunawa sa publiko ang kahalagahan ng pagpapabakuna, ngunit responsibilidad din ng bawat isang isaalang-alang ang kaligtasan ng ating kapwa sa pamamagitan ng pagpapabakuna.