400 total views
Palalawakin ng Archdiocese of Cebu ang religious tourism sa lugar bilang bahagi ng pagpapalaganap ng misyon ng simbahan.
Umaasa si Archbishop of Cebu Jose Palma na gawing makabuluhan ng mga foreign at domestic tourists ang pagbisita sa Cebu hindi lamang sa magagandang tanawin ng lalawigan kundi maging sa mga makasaysayang simbahan.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa pagtalaga ng Capelinha de Fatima Replica ang ikaapat na replica chapel ng Our Lady of Fatima sa buong mundo.
“I would really wish and hope that when you are in Cebu you will visit churches, chapel of relics and shrines aside from the wonders of nature and ecological parks because we take pride in our cultural heritage churches and in our shrines,” pahayag ni Archbishop Palma sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ng Arsobispo na makapagbibigay aliw at kasiyahan ang pagbisita sa mga magagandang lugar na mayroon ang lalawigan subalit binigyang-diin na mas may kapanatagan at tunay na kaligayahan sa pagbisita sa tahanan ng Panginoon.
Kamakailan ay pinasinayaan at pormal na itinalaga ang Capelinha de Fatima Replica sa Tinubdan Hills Lambusan San Remigio Cebu na dinaluhan ng halos sampung libong deboto mula sa mga karatig lalawigan ng Cebu.
Bukod sa ito ang ikaapat na replica chapel sa buong mundo ito rin ang kauna-unahan sa Asya at bukod tangi sa Pilipinas.
“What a wonderful testimony of faith! People gathered in the site of Capelinha to witness the blessing and consecration despite of the pandemic,” ani ng Arsobispo.
Ilan sa mga tanyag na heritage sites and churches sa Cebu ang Basilica Minore del Sto. Niño, Cebu Metropolitan Cathedral, San Jose de la Montaña Parish, Sto. Tomas de Villanueva Parish, National Shrine of St. Joseph, Nuestra Señora Virgen de la Regla Parish Church, San Fernando Rey Church, St. Therese of the Child Jesus Parish, gayundin ang Simala Shrine na dinadagsa rin ng mga deboto.
Naniniwala si Archbishop Palma na makatutulong sa pagpalago ng pananampalataya ang religious tourism lalo’t ipinagdiwang ng bansa ang bunga ng 500 Years of Christianity.
Samantala, una nang sinabi ni Reynald Andales ang Intenational Trustee ng World Apostolate of Fatima – International na makatatanggap ng parehong biyaya ang sinumang dadalaw sa Capelinha de Fatima Replica.
“When you visit in Portugal and in visiting the Capelinha de Fatima Replica here in Cebu you will receive the same graces and mercy, so no need to go to Fatima Portugal,” giit ni Andales.