657 total views
Patuloy na pasakit sa mga manggagawa at mahihirap na pamilyang Pilipino ang hindi mapigilang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ito ang pahayag ng labor group na ‘SENTRO ng Nagkakaisa at Progresibong manggagawa’ at think tank group na ‘IBON FOUNDATION’ matapos maitala ng Philipine Statistics Authority ang mabilis na 4% inflation rate para sa buwan ng Marso 2022 kumpara sa mababang 3% lamang noong Pebrero.
Nangangamba si Sonny Africa – Executive Director ng Ibon Foundation na ito na ang epekto ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“Ito na ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa giyera sa Ukraine. Lalung lumalaki ang tsansa na tataas sa 3-4% ang inflation para sa buong taon, sa ngayon ay pinakamataas na ang inflation sa PH sa buong Timog-Silangang Asya,” pahayag ni Africa sa Radio Veritas.
Nanawagan naman si Rolly Czar Joseph Castillo, Labor Education and Research Head ng Sentro na ipatupad ng pamahalaan ang “Transport Service Contracting” upang matiyak na mayroong kikitain ang mga Public utility vehicle driver.
Hiniling din nito ang pagpapababa ng singil sa kuryente upang umayon at maging sapat ang kita ng mga manggagawa sa kanilang mga gastusin.
“We think the reported inflation rate in March 2022 gives more urgency to our policy package: Transport service contracting, lowering the cost of electricity,” pahayag ni Castillo sa Veritas Patrol
Apela ng SENTRO at Ibon Foundation sa pamahalaan ang pagkakaroon ng financial subsidy para sa mga manggagawa sa maliliit na negosyo at pinakamahihirap na pamilya sa bansa.
Inirekomenda din ni Castillo at Africa na napapanahon nang taasan ang sahod ng mga manggagawa upang masuportahan ang kanilang pamumuhay.
Una ng ipinanalangin ni Parañaque Bishop Jesse Mercado ang ikabubuti ng kalagayan ng mga mamamayang nakakaranas ng labis na paghihirap ng dahil sa mga suliraning dulot ng pandemya at digmaan sa Ukraine.