376 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na manatiling sumunod sa ipinatutupad na mga safety health protocol sa paggunita ng Semana Santa sa susunod na linggo.
Ayon kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, bagamat bahagyang humuhupa na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi pa rin dapat na maging kampante ang bawat isa sa patuloy na banta ng pandemya sa kalusugan at buhay.
Ipinaliwanag ng Obispo na bukod sa pananalangin na tuluyan ng mawakasan ang pandemya ay mahalaga rin ang patuloy na pagsunod sa mga ipinatutupad na mga safety health protocols kabilang na ang pagsusuot ng facemask at pagdistansya sa kapwa.
“Alam niyo po kahit medyo conscious tayo na medyo humuhupa na ang pandemya ay let us not let our guards down, magpatuloy pa rin tayo sa pagsunod sa mga health protocols para talagang masupil na natin ang pandemyang ito ng sama-sama, ipagpatuloy po natin ang pagsusuot natin ng facemask, hanggat maaari pagdidistansya kung kaya para ingatan natin ang isa’t isa at magdasal tayo.” Panawagan ni Bishop David.
Muli namang ipinaalala ng Obispo na ang pagkakawanggawa at pagtulong sa kapwa lalo na sa mga dukha ang pinakamahalagang uri ng pagpi-penitensya na maaring gawin bilang paraan ng pagsasakripisyo o pagpipenitensya sa Semana Santa sa halip na pisikal na pagpapakasakit.
“Alam niyo, hanggang ngayon ay dini-discourage pa rin iyon, maraming ibang paraan ng pagsasakripisyo o pagpipenitensya, pinakamahalagang uri ng pagpi-penitensya ay pagkakawanggawa lalong lalo na para sa mga dukha.” Dagdag pa ni Bishop David.
Kaugnay nga nito, umapela ang Department of Health (DOH) sa Simbahang Katolika at sa publiko na iwasan muna ang ilang mga gawain sa paggunita ng Semana Santa na maaaring maging sanhi ng pagkalat ng COVID-19 virus at iba pang mga karamdaman sa bansa.
Kabilang sa mga tinukoy ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay ang pagpapahalik sa mga imahen ng mga Santo at ang pagpapapako sa krus na maaaring magdulot ng muling pagtaas ng kaso ng impeksyon sa bansa.