250 total views
Nanawagan si Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communication chairman at Boac, Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. sa mga mananampalataya na gamitin ang social media ngayong panahon ng kuwaresma upang ipalaganap ang mabuting balita.
Sa panayam ng programang Caritas in Action, sinabi ni Bishop Maralit na dapat maging daan ang mga social media platforms upang palakasin ang pananampatalaya ng mga katoliko lalo na ngayong mahal na araw.
Aminado si Bishop Maralit na ginagamit na ngayon ng Simbahan ang iba’t-ibang digital platforms para ipalaganap ang salita ng Diyos at mga aktbidad na napapanahon ngayong semana santa.
“Yan ang makabagong pamamaraan, dati announcement lang tayo sa Simbahan pero ngayon hindi na may digital platforms na tayo” pahayag ni Bishop Maralit.
Bilang vice chairman ng Pondo ng Pinoy, ibinahagi ni Bishop Maralit na mas pinalakas nila ngayon ang programa sa Fast 2 Feed program sa pamamagitan ng pagpapalagap nito sa social media.
“Nakakatuwa nga itong Fast 2 Feed it takes only P10 a day for P1,200 for a period of 6 months para magpakain ng tao in principle of Fast 2 Feed. Very accesible na napakadali na pwede na tayong tumulong to spread the good news gamit ang social media” paglalahad ng Obispo na kilala sa tawag na Bishop Junnie.
Magugunitang isa ang Feeding and Nutrition Program sa mga tinututukang programa ng Simbahan sapagkat lumabas sa pag-aaral na 10 porsyento ng mga Pilipino ang nakakaranas pa din ng gutom dahil sa kawalan ng sapat na hanapbuhay habang 1 sa bawat 3 kabataan na nasa 1 taon hanggang 2 taong gulang ang nakakaranas ng malnutrisyon.