1,503 total views
Palalakasin ng pamahalaan ang pagsusulong at pagtataguyod sa Wikang Filipino.
Ito ay matapos lagdaan ang Memorandum ng Unawaan (MOU) sa pagitan ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) at Department of Science and Technology – Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (DOST_PCIEERD).
Layunin ng kasunduan na paigtingin ang paggamit ng wikang Filipino at suriin ang mga dapat pagtutulungan upang higit na mapagyabong at mapanatili lalo na ang mga katutubong wika ng bansa.
Ayon kay Dr. Arthur Casanova, Tagapangulo ng KWF magandang oportunidad ito na mas mapaunlad ang wikang Filipino sa tulong ng makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng DOST.
“Nakikita naming magandang oportunidad ang kasunduang ito para matulungan ang DOST-PCIEERD na mapalapit ang agham sa mga Pilipino gamit ang sarili nating wika at para na rin sa KWF, sa pagtuklas ng paraan na magamit ang agham sa pagpapalawig ng ating wika,” ayon kay Casanova.
Sa nasabing kasunduan, tutukuyin ng dalawang ahensya ang mga pangunahing lugar na dapat pagtuunan ng pansin para mas mapaunlad ang wikang Filipino.
Bukod dito magtulungan din ang mga eksperto mula sa KWF at DOST para sa paghubog ng sarilng wika gamit ang agham at teknolohiya.
Dahil dito labis ang pasasalamat ni DOST-PCIEERD Director Enrico Paringit sa KWF sa pagkakataong magtulungan ang ahensya para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
“Taos-puso kaming nagpapasalamat sa KWF sa pagtulong sa DOST-PCIEERD sa pagpapaigting ng promosyon ng siyentipiko at teknolohikal na impormasyon gamit ang aating sariling wika, tungo sa pagkakaunawaan, pagkakaisa at kaunlaran ng sambayanan,” ani Paringit.
Kabilang sa kasunduan ang capacity building ng mga kawani ng DOST-PCIEERD kaugnay sa paggamit ng wikang Filipino sa korespondensiya opisyal at pagsasalin ng mahahalagang dokumentong pampamahalaan sa wikang bernakular.
Itinampok sa MOU ang ilang proyekto ng inobasyon at saliksik na magbibigay proteksyon at magpapayaman pa sa mga wika ng mga pangkat ng katutubo sa bansa tulad ng KAAG, Project Marayum, Mindanao Natural Language Processing Research and Development Laboratory, Diachonic Representation and Linguistic Study of Filipino Word Senses Across Social and Digital Media Contexts Project, Mobile-web birectional nueral machine translation system at ang Cine Kabundukan.
Hinihimok ng dalawang ahensya ang mga Pilipino na laging gamitin ang wika upang makatulong sa pagkakaunawaan, magkaroon ng mga pagbabago at magkaisang itaguyod ang mahigit sa 100 wika sa bansa.