293 total views
Lugmok na lugnok, kapanalig, ang turismo sa Pilipinas dahil sa pandemya. Tuluyan kaya itong makakabawi ngayong taon, kahit na election year at may mga banta pa ng mga bagong COVID-19 variants?
Ayon sa isang pag-aaral ng International Labor Organization, malaki ang naging epekto ng pandemya sa sektor na ito. Ayon dito, nag-contract o umurong ng mga 28% ang employment sa turismo noong 2020 at 38% naman ang contraction o pag-urong sa average working hours ng mga manggagawa.
Hindi biro ang kahirapang dinulot ng pandemya sa mga manggagawa sa sektor ng turismo. Kapanalig, hindi lamang ang mga hotel o resort workers na iyong nakikita pag bakasyon ang saklaw nito. Kasama rito ang mga manggagawa gaya ng mga bangkero na nagdadala sa atin sa mga isla kapag nag-i-island hopping tayo, ang mga mangingisda na nag-aalok sa atin ng kanilang mga tinda kapag tayo ay nasa baybayin o beaches, ang mga tourist guide, ang mga nagtitinda ng mga souvenirs – silang mga maliiit na manggagawa din na tumutulong sa pag-inog ng sektor ng turismo ay lubha ring naapektuhan ng pandemya. Sa pagsara ng ating mga borders at ekonomiya, nagsara na rin ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.
Napaka-halaga kapanalig na ang sektor na ito ay makabangon. Nakasalalay ang kabuhayan ng maraming mga kababayan natin dito. Tinatayang mga 13.5% ng total employment sa bansa ang nasa tourism industry. Maliban dito, nasa 12.7% din ang ambag ng sector sa ekonomiya ng bansa.
Kapanalig, kung nais natin na maging tuloy-tuloy ang pagbangon ng sector, kailangan nating matiyak na magiging resilient, sustainable, at handa ito, may pandemya man o wala. Pakatandaan natin, hindi lamang virus ang banta sa survival nito. Nito lamang Disyembre, noong nagsisimula ng bumaba ang alert levels ay dumaan naman ang Typhhon Odette at ginapi ang ilang sa mga pangunahing tourist spots ng bansa gaya ng Siargao at Palawan. Hanggang ngayon, ramdam at kita pa rin sa mga lugar na ito ang mga bakas ng bagyo.
Ang mga nagdaang delubyo sa sector ay napakahirap, ngunit nagbibigay din ito ng oportunidad upang makita natin ang mga pagbabagong ating dapat isagawa upang maging mas matibay ito. Hindi na sapat na sabihin natin na “it’s more fun in the Philippines.” Kailangan din natin tiyakin na “it’s more safe in the Philippines,” hindi lang para sa turista, kundi para sa mga manggagawa nito.
Kapanalig, ang pagtitiyak ng kinabukasan ng turismo sa bansa ay pagtitiyak din ng kinabukasan ng maraming manggagawa. Kaya’t sana, sa muling pagbangon nito, huwag natin silang kalimutan. Ang mga maliliit na manggagawa na ito ang isa sa panguhaning dahilan kung bakit lagi tayong binabalik-balikan. Ayon sa Populorum Progressio: Individual initiative alone and the mere free play of competition could never assure successful development. One must avoid the risk of increasing still more the wealth of the rich and the dominion of the strong, whilst leaving the poor in their misery and adding to the servitude of the oppressed.
Sumainyo ang Katotohanan.