378 total views
Umaabot sa 240-libong pisong halaga ng facemasks ang naipamahagi ng Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) sa mamamayan ng Batangas na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Ayon kay Paulo Ferrer – LASAC Program Officer, ito ay mula sa mga nalikom na donasyon ng social arm buhat ng magsimula ang phreatomagmatic eruption ng bulkan noong ika-26 ng Marso.
“Php240, 800 worth of masks given, through LASAC from donors, binaba po natin noong next day pagputok,27” ayon sa ipinadalang mensahe ni Ferrer sa Radio Veritas.
Una ng binuksan ng LASAC ang kanilang mga ‘Malasakit para sa Batangas Command Centers’ upang tutukan ang pangangailangan ng mga residenteng nakatira sa paligid ng Bulkang Taal.
Ayon naman sa mga datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot sa mahigit 10-libong residente o 2,800 pamilya sa may 21-baranggay na nakapaligid sa lawa ng Taal ang apektado ng pangyayari.
isang libo at isang-daang pamilya o apat na libong indibidwal naman ang nananatili sa mga evacuation center.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 1.7-milyong piso ang halaga ng naipamahaging family food packs, ready-to-eat foods, hygiene kits at non-food items nang DSWD sa mga apektado ng pagliligalig ng Taal.
Ngayong araw ay ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang kalagayan ng Taal Volcano mula sa Alert level 3 sa Alert Level 2 matapos ang paghupa ng mga aktibidad ng bulkan at pagbaba ng mga naitatalang lindol.