264 total views
Palm Sunday Lk 19:28-40
Is 50:4-7 Phil 2:6-11 Lk 23:1-49
Ngayong Sunday ay simula na ng Semana Santa, ng Holy Week. Ang Linggong ito ay tinatawag na Linggo ng Palapas o Palm Sunday at Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon, o Passion Sunday. May dalawang pangalan siya dahil sa dalawang katangian ng pagdiriwang natin ngayong araw. Nagsimula tayo sa pag-alaala ng pagpasok ng Panginoong Jesus nang matagumpay sa lunsod ng Jerusalem. Sinalubong siya ng mga tao nang buong sigla. Winelcome siya ng mga sanga ng palapas na winawagayway ng mga tao. Saya at malaking pananabik ang naghahari sa mga tao noon. Kinikilala nila si Jesus bilang isang hari sa pumapasok sa kanyang lunsod. Kaya ang mga palaspas na dala natin ay tanda ng ating pag-welcome sa Panginoon at pagkilala ng paghahari niya. Iuwi natin sa bahay at ilagay sa may pintuan ng bahay o ng kwarto o sa harap ng ating altar sa bahay. Pagnakita natin ito, alalahanin natin na winewelcome natin si Jesus sa ating bahay at sa ating buhay.
Kadidinig din natin sa pagbasa ang mahabang kasaysayan ng mga huling araw ng Panginoon sa Jerusalem, kung paano siya ipinagkanulo, dinakip, hinatulan, pinasakitan, ipinako sa krus at namatay. Lungkot at awa naman ang naghari sa atin habang pinapakinggan natin ang salaysay na ito. Malaking pagkakaiba ito sa masayang pagtanggap sa kanya ng may palaspas. Sa pagbabasa ng pagpapakasakit ng Panginoong hinahanda tayo sa mangyayari kay Jesus ngayong linggo. Kaya sinisimulan na nating pagnilayan ang kanyang pagpapakasakit at kamatayan. Kaya ngayon ay Passion Sunday.
Sa kanyang ebanghelyo piniprisenta ni Lukas na si Jesus ay determinadong naglalakbay patungo sa Jerusalem. Alam ni Jesus na ang kanyang misyon at ang kanyang buhay ay magkakaroon ng kaganapan doon. Maraming tao ang nasa lunsod ng mga araw na iyon kasi nalalapit na ang dakilang kapistahan ng Paskuwa, ang pag-alaala ng mga Israelita ng kanilang paglaya mula sa pagkaalipin sa Egipto. Dahil sa kanyang pangangaral at mga kababalaghang ginawa, kilala na si Jesus ng mga tao. Kaya noong nakita nila siya na dumadating, tuwang-tuwa sila na tinanggap siya. Kinilala nila siya na isang hari na dumadating sa ngalan ng Panginoong Diyos. At dumating si Jesus na nakasakay sa isang asno. Kakaibang hari ito. Ang asno ay hindi isang hayop na pandigma, hindi tulad ng kabayo. Ito ay hayop na pangkarga at pangtrabaho sa bukid. Ang haring ito ay dumadating hindi sa kadakilaan kundi sa kababaan. Iba ang kanyang paghahari. Sa panahon na siya ay binibigyang pugay ng mga tao, nanatili si Jesus na mababang loob.
Hindi pinagmalaki ni Jesus ang pagkilala sa kanya kasi kilala niya tayong mga tao. Alam niya na madali tayong magbago. Ang ating pagtanggap ay madaling maging pagtalikod o pagwalang kibo. Hindi siya nagkamali. Ilang araw lang ang dumaan at ang sigaw sa Jerusalem na “Hosanna sa Kaitaasan!” ay napalitan ng “Ipako siya sa Krus!” Sa maraming taong tumanggap sa kanya, ni wala mang nagtanggol sa kanya noong siya ay inaakusahan at hinahatulan. Sana hindi ito mangyari sa atin, na madali tayong tumalikod o makalimot sa Panginoon, na tayo ay nagpapadala lang sa public opinion o kung anong uso na ginagawa ng iba. Maging tulad sana tayo ni Mariang Ina ni Jesus na patuloy na nanindigan sa tabi ni Jesus kahit na sa ilalim ng krus.
Sa pagbasa natin ng kanyang pagpapakasakit, may ilang mga bagay din na nakakatawag ng pansin natin na kakaiba talaga si Jesus, hindi lang sa panahon ng tagumpay, pati na rin sa panahon ng kahirapan.
Habang siya ay hinahatulan, at lantarang kasinungalingan ang inaakusa sa kanya, siya ay tahimik. Hindi siya kumibo at hindi niya ipinagtanggol ang sarili, ni sa harap ni Caifas at ni Annas na leaders ng mga Hudyo, ni sa harap ni Haring Herodes na hari ng mga Hudyo, ni sa harap ni Pontio Pilato na gobernador ng mga Romano. Hindi niya ipinagtanggol ang kanyang sarili, kahit na sa mga kawal ng mga Hudyo at mga Romano na masakit na pinaglalaruan siya. Hindi siya namatay na may galit. Namatay siya na may tiwala sa Diyos kaya ang kanyang huling salita ay: “Ama, sa mga kamay mo ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” Tulad siya ng isang maamong tupa hanggang sa wakas at tinupad niya ang sinulat ni propeta Isaias na ating narinig sa unang pagbasa: “Hindi ako tumutol nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo ng ako’y kanilang insultuhin…ang pagdusta nila ay hindi ko pinapansin pagkat ang Makapangyarihang Panginoon ang tumutulong sa akin.”
Hindi siya kumibo sa mga insulto at pasakit sa kanya pero kumibo siya nang may habag sa mga tao. Ang reaction niya ay patawad at ipinagdasal pa niya ang gumagawa ng masama sa kanya: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Hindi niya pinansin ang insulto ng salarin na kumutya sa kanya pero pinangakuan niya ng langit ang salarin na kumilala sa kanya: “Sinasabi ko sa iyo, ngayon di’y isasama kita sa paraiso.” Pinansin niya ang mga babae na tumatangis sa kanya at sinabi sa kanila na ang mas tangisan nila ay hindi siya kundi ang darating na parusa sa mga tao.
Kakaiba si Jesus, kahit na sa kanyang kamatayan. Tularan natin siya. Piliin natin kung kanino tayo mag-re-react. Kahit na sa kahirapan huwag tayong maging self-centered, na ang pinapansin ay ang sarili. Mas pansinin natin ang iba at ang kanilang pangangailangan. Piliin natin na ang mananatili sa puso natin ay hindi ang galit o paghihiganti kundi ang awa sa iba at ang tiwala sa Diyos.
Maganda na sa linggong ito, huwag tayong magpabaya. Huwag tayong magpalipas lang ng panahon. Ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad sa jarden ng Gethsemani ay sinasabi niya sa atin: “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.” Ang Semana Santa ay panahon ng panalangin. Manatili tayong gising at listo para magdasal. Maraming mga paraan ng panalangin ang inaalok sa atin ng simbahan. Nandiyan ang pagbabasa ng pasyon. Ito ay pagninilay sa kasaysayan ng ating kaligtasan sa pamamagitan ng awit. Makisabay tayo dito sa mga chapels natin na may diwa ng pagdarasal. Nandiyan din ang sariling pagbabasa ng Bible. Nandiyan din ang pakikisa sa mga pagdiriwang sa simbahan sa Huwebes Santo – sa Pagdiriwang ng Huling Hapunan ni Jesus, sa Biernes Santo – sa pagdiriwang ng Pagpaparangal sa Krus at ng kamatayan ni Jesus, at lalo’t higit sa Sabado de Gloria, ang magandang pagdiriwang ng magdamagang pag-aantay sa Muling Pagkabuhay at ang Pagkabuhay mismo ni Jesus.
Nandiyan din ang pakikiisa sa Daan ng Krus sa Biyernes, ang pagpuprusisyon ng Santo Entierro at ng mga santo, at ang masayang pakikiisa sa Salubong na walang iba kundi ang pag-alala sa pagtatagpo ni Jesus na muling nabuhay at ng kanyang nagdurusang Ina. Ang mga gawaing ito ay dapat tumulong sa atin sa ating pagdarasal at sa ating pagpapahalaga sa gawain ng kaligtasan na dinaanan ni Jesus para sa atin.
Ang bunga sana ng ganitong mga gawain ay ang ating pagpapahalaga sa ating kaligtasan at ang pag-alab ng ating pag-ibig sa Diyos na ganoon na lang magmahal sa atin – nagpakasakit siya, namatay at muling nabuhay para sa atin. Inaalok tayo na makisalo sa bagong buhay na ito na bigay niya sa atin – buhay ng malaking tiwala sa Diyos at ng pagmamahal sa ating kapwa. Panibaguhin nawa tayo ng ating pagdiriwang.