526 total views
Muling hinihikayat ng Caritas Manila ang mananampalataya na makiisa sa taunang Alay Kapwa Telethon na isinagawang live ngayong araw katuwang ang Radyo Veritas.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas ang telethon ay bahagi ng paghahanda ng simbahan upang makapagbigay ng kagya’t na tulong sa mamamayan sa panahon ng kalamidad.
“At tayo sa Veritas-itong ating holy Monday ay ating ginawang tradisyon na pagtataas ng kamalayan at paghingi ng ayuda sa mga tao para maging handa tayo. Lagi tayong handa ‘pag may disaster ay nangunguna ang simbahan na within 24-48 hours dapat mararamdaman na ang suporta ng ating simbahan,” ayon kay Fr. Pascual.
Bukod sa umiiral na pandemya, nagpahatid din ng may 50 milyong piso ang Caritas Manila sa mga diyosesis sa Visayas at Mindanao na sinalanta ng bagyong Odette noong Disyembre 2021.
Nakalikom din ang Caritas Manila online concert ng P106 milyon na gagamitin naman para sa rehabilitasyon ng mga bahay at mga simbahan na nasira ng nagdaang bagyo.
Ayon pa sa pari, ang Alay Kapwa ay pagpapaalala sa bawat mananampalataya nang pananagutan sa kapwa lalo na sa mga dukha.
”Tayo, sa Alay Kapwa ay nagtuturo at nagpapaalala sa ating kapwa na tayo ay bilang mga katoliko kristiyano. Tayo ay may responsibilidad, pananagutan sa mga ‘the least, the last and the lost’ o biktima ng kalamidad. At alam natin na ang palaging biktima ay mga dukha.
Unang bahagi pa lang ng taon ay pumasok na sa bansa ang Bagyong Agaton na kasalukuyang nananalasa sa Bicol at Visayas Area, habang inaasahan din papasok sa Philippine Area of Responsibility ang isa pang bagyo na tinawag na Basya.
Community empowerment
Tiniyak din Caritas Manila na hindi nahihinto ang pagtulong ng simbahan sa mga pagtugon sa mga kailangan ng mga nasasalanta ng kalamilad.
Ayon kay Fr. Pascual, bukod sa pagtulong sa kanilang pangangailangan, mas mahalaga na makatayo ang bawat pamayanan sa kailang sariling pagsisikap.
Matapos ang relief at rehabilitation program ay binibigyang tuon ng social arm ng simbahan ang pagbibigay ng livelihood program at community development.
“After the typhoon nanduon na ang ating livelihood support, tapos ang ating scholarship, feeding, nutrition at the same time yung plano nating economic empowerment sa pamamagitan ng cooperatives ‘yung social enterprises program, ito yung nais nating magtahi ng programa natin sa baba. Initially, relief, rehab ang reconstruction after that yun talagang community development sa pamamagitan ng basic ecclesial community and social enterprise development,” Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi pa ng pari na ang gawain ng simbahan ay hindi nagtatapos sa pagtulong sa kagya’t na pangangailan sa halip ay umagapay din sa pamayanan sa pagpapalago ng kabuhayan at pananampalataya.
Ilan sa mga programa ng social arm ng Archdiocese of Manila ang Caritas Damayan, Feeding Program, Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP), Restorative Justice at Sanlakbay-para naman sa nalulong sa masamang bisyo.